Higanteng portrait ni Obama, ginawa gamit ang buhangin
ISANG pintor sa Spain ang gumawa nang malaking portrait ni US President Barack Obama gamit ang buhangin.
Ang pintor ay si Jorge Rodriguez Gerada. Ginawa niya ang portrait ni Obama sa isang beach sa Barcelona. Gumamit siya ng humigit-kumulang na 650 metrico tonelada ng buhangin at graba na kanyang inilatag sa isang beach na may lawak na isang hektarya.
Sa laki ng kanyang proÂyekto ay kinailangan niya ang tulong ng mga inhinyero at mga trabahador. Kinailangan din niyang gumamit ng ilang mabibigat na makinarya katulad ng mga bulldozer upang mapatag ang lugar na gagamitin sa kanyang obra. Dahil sa lapit ng kanyang obra sa karagatan, sinigurado ni Jorge na ang mga ginamit niyang pangkulay ay may mga sangkap na hindi makakasama sa kalikasan.
Bagama’t mula sa mga doÂnasyon ang karamihan sa mga materyales na ginamit, umabot pa rin sa halos $20,000 (halos P1 milyon) ang kanyang nagastos para rito.
Ayon kay Jorge, sinadya niyang gawing higante ang portrait upang ito’y makita sa kalawakan at sa Google Earth.
Dagdag pa niya, pinili niya si Obama na paksa ng kanyang obra dahil sa makasaysayan niyang pagkapanalo bilang US President. Ayon pa kay Jorge, piÂnili niya si ObaÂma dahil sinisimbulo raw nito ang pag-asa ng pagbabago sa lipunan hindi lamang para sa mga nagluklok sa kanya kundi pati na rin para sa mga mamamayan sa mundo na sumubaybay sa kanyang pagkapanalo.
Pinili naman niyang materyales ang buhangin upang ipahiwatig na bagama’t laging may pangako ng pagbabago sa bawat eleksyon, kadalasan ay nakakalimutan lamang ang mga ito. Unti-unting mabubura dahil sa ihip ng hangin at alon ng dagat.
- Latest