EDITORYAL - May mga bahay sa ilalim ng tulay
KAHAPON, grabe ang trapik sa Quiapo mapa-north bound at south bound. Umabot nang ilang kilometro ang trapik sapagkat hindi pinadaanan sa mabibigat na sasakyan ang Quiapo Bridge. Ang pagbabawal sa pagdaan ng mga mabibigat na sasakyan ay dahil sa pangambang naapektuhan ang Quiapo Bridge nang nangyaring sunog sa ilalim nito noong Huwebes ng umaga. Dahil sa init, maaari raw humina ang tulay at hindi makaya ang mga mabibigat na sasakyan. Hinaharang ang mga mabibigat na sasakyan at hindi na pinatutuloy na nagdulot nang nakaiinis na trapik sa magkabilang lane.
Sa nangyaring trapik, na ang pinag-ugatan ay ang sunog sa ilalim ng tulay, walang ibang sinisisi ang mga inis na motorista kundi ang mga nagtayo ng barung-barong sa mismong ilalim ng tulay na nasa pampang ng Ilog Pasig. Tinatayang 50 barungbarong nasa ilalim ng tulay at lahat ito ay nasunog. Hindi naman nabanggit kung ano ang dahilan ng sunog. Wala namang namatay sa sunog sapagkat agad nakaalis ang mga naninirahan. Ang iba ay nagtalunan sa Ilog Pasig para mailigtas ang sarili. May mga batang naiwan ng kanilang mga magulang ang tumalon sa ilog.
Ang nangyaring sunog ay pagbubukas sa isipan ng mga namumuno sa lungsod at ganundin sa Metro Manila Development Auhority (MMDA). Ipagbawal ang pagtira sa ilalim ng tulay sapagkat magdudulot ng panganib hindi lamang sa mga tumitira kundi sa lahat ng motorista. Tiyak na maaapektuhan ang tulay na nalantad sa apoy. Hihina ang pundasyon nito at maaaring bumagsak at marami ang mamamatay kapag nangyari ito.
Maraming naninirahan sa mga ilalim ng tulay at walang magawa ang mga namumuno. Hinahayaang manatili roon na sa dakong huli, marami ang napipinsala. Umpisahang alisin ang mga barungbarong sa ilalim ng tulay. Ngayon na ang tamang pagkakataon.
- Latest