‘Code of honor: Kriminal, smuggler, pulitiko’
SANAY ang taumbayan na naririnig lang ang salitang code of honor sa Philippine Military Academy.
Ito ang integridad, prinsipyo at paninindigan kung saan ang mga mag-aaral, hinuhubog sa loob ng institusyon.
Subalit, ang code of honor ay hindi lamang sa PMA.
Maging ang mga kriminal, kawatang smuggler at mga tiwa-ling pulitiko na nasa ilalim ng daynastiya, mayroon ding sariling code of honor.
Bagamat magkakaiba sila ng sitwasyon, walang pinagkaiba ang kanilang batayan.
Halimbawa sa mga kriminal, kapag nalaman nila na nakulong ang isang indibidwal dahil sa panggagahasa, pangmo-molestiya at pagpatay sa batang walang kalaban-laban, ipaparanas din nila sa kung sinumang talpulano ang ginawa niya sa pobreng biktima.
Maliban nalang dun sa iba na ang pananaw, lahat sila sa loob, pantay-pantay. Puwedeng magpatayan anumang oras gustuhin nila. Walang lamangan. Bawat isa, nagbabantayan.
Ibig sabihin, sa anumang ginagawa nila, mayroon silang sinusunod na batayan.
Maaaring tama para sa kanila at sa ilan, pero sa mata ng Diyos mali pa rin.
Sa mga smuggler.
Base sa kanilang code of honor, dalawang uri rin ang putok sa buhong mga negosyante.
Una, ang mga negosyanteng nagpupuslit ng mga produkto na bagamat nagnanakaw sa gobyerno dahil sa hindi tamang pagbababayad ng buwis, iniisip nila, ang kanilang produkto, nakakatulong sa taumbayan at hindi nagdudulot ng panganib sa kalusugan.
Isang halimbawa rito ang mga imported agricultural product, karne at mga ukay-ukay na damit na ibinibenta ng mura at tiyak napapakinabangan.
Samantalang, ang iba namang mga smuggler, kesehodang mamatay ang gagamit at kakain ng kanilang produkto tulad halimbawa ng ilegal na droga at mga pekeng gamot, walang pakialam.
Basta ang mahalaga, kumita sila ng pera.
Sa madaling sabi, may sari-sarili silang code of honor.
Iba naman ang kaso ng mga tiwaling pulitiko na pumapatay ng lahat ng tinik sa kanilang lalamunan, maprotektahan lang ang kanilang dynasty.
Estilo naman ng iba, hindi nga sila pumapatay o nandaraya sa eleksyon, masasabing malinis, pero nangungurakot naman sa nakalaang pondo sa mga proyekto ng gobyerno.
Hindi ginagawang tama ang proyekto alinsunod sa plano.
Sa tatlong magkakaibang sitwasyong ito, bawat isa may sariling inilagay na panuntunan at batayan.
Hindi ko sinasabing tama. Lahat sila, pare-parehong mali. Ipinakikita ko lang kay Juan dela Cruz ang sitwasyon para maunawaan at maintindihan ang ibig sabihin at pakahulugan ng code of honor.
- Latest