Senado, umiwas kay Alcala
SA idinaos ng pagdinig ng Senate committee on agriculture kahapon, lumitaw na si Davidson Bangayan at ang rice smuggler umano na si David Tan ay iisang tao.
Ngayong iisa nga sina BangaÂyan at Tan, bakit iniwasan ng mga senador na idiin si Agriculture secretary Proseso Alcala. May mga dokumentong lumitaw na si Alcala na may saklaw sa NFA ang nagbigay ng import permit sa kompanya ni Bangayan.
Baka ang isipin ng publiko sa Senado ay parang “kampihan na†tulad sa slogan ng Philippine Basketball Association (PBA). Dahil kaya ang mayorya sa Senado ay nasa administrasyon at kakampi nila si Alcala?
Hindi ko pinagbibintangan si Alcala na may kinalaman sa rice smuggling subalit kailangang ipaliwanag niya sa publiko kung bakit ang kompanya ni Davidson Bangayan o David Tan ay nabigyan ng import permit ng NFA.
Napakalawak ng rice smuggling sa bansa. Bukod kay David Tan, dapat ding tutukan ang iba pang smugglers. Sana ay gawin ang estilo sa pork barrel scam kung saan kumuha ang gobyerno o senado ng mga whistle blower. Kung may whistle blower sa mga rice smuggler maaaring matukoy kung sinong opisyal ng Department of Agriculture, NFA at Bureau of Customs ang kanilang kasabwat.
Hayaan natin na kumanta ang mga rice smuggler basta tukuyin kung sino ang mga kasabwat. Maaaring may malambat ang gobyerno na malaking isda tulad ng Cabinet official o mataas na opisyal sa Customs.
May mga nagsabi sa akin na ikinatutuwa raw ng Dept. of Agriculture na huwag matamo ang rice sufficiency para magpatuloy pa ang pag-import ng bigas at pag-smuggle nito. Kung mananatiling kapos ang suplay ng bigas walang magagawa ang gobyerno kundi maglabas ng import permit. Ang masaklap lamang, naabuso ito at pinagkakakitaan dahil sa sabwatan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Sana, mayroon nang mangyaring positibong resulta sa imbestigasyon ng Senado sa rice smuggling para mapanagot na ang smugglers at mga kasabwat nito.
- Latest