Maligayang bati
Ngayon ay 26th birthday ko. Sa aking pagbabaliktanaw sa nagdaang 10 taon ng aking kapana-panabik na buhay, napagtanto kong napakayaman ko sa mga aral sa buhay, gayundin mga kaibigan at minamahal, mga taong ipinagpapasalamat ko.
Sa lahat ng aking pinagdaanan, lumitaw akong malakas, matagumpay at mas matapang. Nagkamali man sa ilan, at nadapa sa karamihan, kinapulutan ko naman ng aral ang mga bagay-bagay. Lahat nagkakamali. Ang mahalaga ay hindi na ito mauulit. Thank you Lord!
At dahil birthday ko, mayroon akong 10 kahilingan:
1. Mas malakas na pangangatawan dahil marami pa akong plano sa buhay para sa aking pamilya at lalong lalo na sa aking unica hija.
2. Magandang kalusugan para sa aming lahat. Hindi ako nagsisikap at kumakayod para lamang sa pagpapagamot ng mga sakit sa hinaharap. Kaya sana ay maalagaan ng maayos ang mga kalusugan namin ngayon pa lang.
3. Nangangarap ako ng dalawang negosyo para sa aking pamilya sa taong ito. Isang panaderya para sa akin at isang pre-school para kay Mama. Dasal kong mapalago lalo ang aking baking business.
4. Bagong trabahong mas fulfilling para sa aking kapatid at isang magandang karera para sa isa pa.
5. Tuloy-tuloy na paggaling ng aking ama. Salamat Lord sa walong buwang recovery niya mula sa kanyang operasyon. Salamat Lord sa panibago at mas mahaba at mas malusog at payapang yugto ng buhay niya.
6. Mas mahabang buhay pa para sa aking Lola na walang sakit at puro kaligayahan lamang.
7. Wisdom na makagawa ng mga tama at mabuting pasya sa buhay. Lalo na pagdating sa karera, pamilya at pagpapalaki at pagdidisiplina sa aking anak.
8. Lumaki si Gummy na may takot at pananalig sa Diyos.
9. Pusong handang humarap sa anumang pagsubok ng buhay.
10. Maging mas malapit pa lalo sa Diyos.
Totoong ang Pasko ay para sa mga bata. At totoo ring kapag tumatanda ka, ang iyong kaarawan ay ipinagdiriwang upang magpasalamat sa biyaya ng Diyos, kaysa humiling para sa sarili mo.
Merry Christmas at Happy Birthday to me!
- Latest