Kapag napundi ang Araw
NAPALATHALA ang usaping ito sa isang isyu minsan ng Popular Science magazine. Paano kapag namatay ang Araw? Tulad ba ng bumbilya o fluorescent na napundi, nawalan ng liwanag, tuluyan nang namatay at nawalan nang silbi at nagdilim ang kapaligiran.
Ano ang mangyayari sa Daigdig kung huminto na sa pagbibigay ng liwanag at init dito ang Araw bagaman sinasabi ng ilang dalubhasa na imposibleng mangyari ito?
Ayon kay David Stevenson, isang professor ng planetary science ng California Institute of Technology, parang isa itong kumukulong kape na, kapag inilagay sa refrigerator, hindi naman ito lalamig agad. Kapag anya namatay ang Araw, mananatili pa ring mainit ang mundo sa loob ng ilang mil-yong taon. Pero madarama agad ng mga naninirahan sa planetang ito ang paglamig sa lalong madaling panahon. Sa loob ng isang linggo pagkamatay ng Araw, bababa sa 0ï‚°F ang average surface temperature ng Daigdig. Pagkaraan ng isang taon, bababa pa ito sa -100ï‚°. Maniniigas ang ibabaw ng karagatan pero hindi magyeyelo ang tubig sa kailaliman nito sa loob ng daan-libong taon. Pagkaraan naman ng milyun-milyong taon, aabot ang planeta sa -400ï‚°, Ang init na nagmumula sa pinaka-ubod ng planeta ay kapantay ng init na nailalabas ng Daigdig patungo sa kalawakan.
May mga microorganism na mabubuhay sa crust ng mundo pero mayorya ng naninirahan ay iikli ang buhay mula pagkamatay ng Araw. Hihinto agad ang photosynthesis at maraming halaman ang mamamatay sa loob lang ng ilang linggo. Tatagal naman daw nang ilang dekada ang malalaking punong-kahoy dahil sa slow metabolism at sapat na sugar stores. Marami ring hayop ang mamamatay agad dahil wala nang makakain pero magtatagal ang mga mahihilig kumain sa labi ng mga namatay hanggang sa sila mismo ay mamatay sa matinding lamig.
Sabi naman ng Astronomy professor na si Erick Blackman ng University of Rochester, maaaring mabuhay ang mga tao sa mga submarine sa pinakailalim na bahagi ng karagatan. Pero isang alternatibo ang mga tirahan na pinapainit ng nuclear o geothermal plant. Isang maganda umanong lugar ang bansang Iceland na 87 porsiyento ng mga bahay ay gumagamit ng geothermal energy. Magagamit anya ng mga tao ang init na nagmumula sa bulkan sa loob ng daan-daang taon.
Pero bukod sa nagbibigay ng init, pinananatili ng Araw sa orbit ang Daigdig. Kapag nawala ang ‘mass’ ng araw (na imposible naman umanong mangyari), aalpas sa kanyang kinalalagyan ang ating planeta at lilipad palayo sa pusod ng kalawakan.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na [email protected])
- Latest
















