EDITORYAL - Higpitan, pagtatayo ng bahay sa tabing dagat
MALALAKING alon na ayon sa mga nakaligtas ay kasingtaas ng punong niyog ang rumagasa sa mga kabahayang nasa tabing dagat sa Tacloban, at iba pang bayan sa Leyte ganundin sa Eastern Samar noong umaga ng Nobyembre 8. Itinulak nang napakalakas na hangin (325 kph) ang tubig dagat at ilang sandali lang ay naging waterworld ang mga bayan sa nabanggit na dalawang probinsiya. Nasa 5, 235 katao ang huling tala na namatay at 1,613 pa ang nawawala. Pinaniniwalaang natangay nang malaking alon ang mga biktima at nalunod. Noong isang araw, maraming bangkay ang natagpuang lulutang-lutang sa dagat. Mayroong mga bangkay na nakita sa tambak ng mga nawasak na bahay at mga natumbang puno.
Ang mga nawasak na bahay sa baybaying dagat ay leksiyon na dapat bigyan ng pansin ng pamahalaang Aquino. Ang nangyaring kalamidad ay sapat na o sobra-sobra pa para maghigpit ang pamahalaan sa mga nais magtayo ng bahay sa tabing dagat. Ngayon dapat magbantay ang pamahalaan at bigyang babala ang mamamayan na huwag magtayo ng bahay sa malapit sa dagat. Hindi na dapat tayuan pa ang lugar na pininsala nang malalaking alon sa Tacloban at iba pang bayan. Maaaring maulit ang delubyo roon at marami na naman ang mamatay.
Magkaroon ng plano ang pamahalaan ukol sa pagtatayo ng bahay. Ang mga mayor ang nararapat magpatupad ng kautusan. Ipaliwanag sa mga residente ang kapahamakang sasapitin sakali at magkaroon nang malakas na bagyo. Hindi dapat balewalain ang utos sa pagkakataong ito.
Ayon sa report, mas maraming namatay sa mga nakatira sa barung-barong sapagkat maÂdaling nawasak ng hangin at alon. Umano’y marami nang squatters ang nagkumpol-kumpol sa tabing dagat. Hindi na sila napigilan at lalo pang dumami sa paglipas ng panahon.
Panahon na para maghigpit ang pamahalaan sa pagtatayo ng bahay. Isagawa ito bago pa muling manalasa ang bagyo.
- Latest