EDITORYAL - Bantayan ng DTI, mga ‘buwitreng’ negosyante!
WALANG awa ang mga mukhang perang neÂgosyante! Basta sa pagkita ng pera, kahit hindi makatao ay isasagawa. Basta ang mahalaga ay kumita at yumaman sila.
Walang sinasanto ang mga mapagsamantalang negosyante. Kahit sa mga napinsalang lugar ng bagyong Yolanda sa Visayas region ay patuloy ang kanilang pagkita ng pera. Walang pakialam kung ano ang nangyari sa kababayan. At ang mga negosyanteng gahaman na maihahalintulad sa mga buwitre ang nararapat na bantayan ng mga taga-Department of Trade and Industry (DTI). Kawawa naman kung mapapagsamantalahan pa ang mga biktima ng Yolanda. Nawalan na nga sila ng mahal sa buhay at nawasak ang tahanan ay pagsasamantalahan pa ng mga “buwitreng†negosyante.
Tiyak na gagawa ng paraan ang mga gahamang negosyante kung paano kikita nang malaki sa mga biktima ng kalamidad. Papatungan nang malaki ang mga tindang bigas, sardinas, asukal, kape, mantika at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sa pinaka-huling report, triple umano ang halaga ng gasolina at kerosene sa mga lugar na apektado. Tumaas ding grabe ang presyo ng mga construction materials. Tiyak na papatungan nila ang presyo ng semento, bakal, yero, kahoy at iba pang kailangan para makapagtayo ng bahay. Sa dami ng mga nasirang bahay sa maraming bayan sa Leyte, Samar, Cebu, Capiz at iba pang lugar sa Kabisayaan, tiba-tiba ang mga buwitreng negosyante. Nararapat tutukan ng DTI ang mga “buwitreng†negosyante. Arestuhin sila at ipagharap ng kaso. Huwag palusutin ng mga awtoridad ang mga tuso.
Ayon sa batas ang sinumang mahuhuling nagbeÂbenta nang mas mataas sa rekomendadong presyo sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda ay papatawan ng multang P1 milyon at makukulong ng 10 taon. Ayon sa DTI, walang kapatawaran na ipagkakaloob sa mga mahuhuling nagho-hoard at nagbebenta sa mataas na presyo. Hinihikayat naman ng DTI na isumbong ng publiko sa mga awtoridad ang mga nagtataas ng presyo ng bilihin para agad maaaksiyunan.
Pinaka-maganda at pinaka-epektibong magagawa ng mga taga-DTI ay sorpresang bisitahin ang mga tindahan sa napinsalang lugar. Magpanggap silang mamimili para mabisto ang ginagawang pagsasamantala.
- Latest