MAG-IISANG linggo na bukas mula nang saÂlantain ni Yolanda ang mga probinsiya sa Kabisayaan partikular ang maraming bayan sa Leyte, suÂbalit marami pa rin ang hindi nabibigyan ng relief goods. Maraming residente sa Tacloban (grabeng tinamaan ng Yolanda) ang halos mabaliw na sa paghahanap ng pagkain. Marami sa kanila ang nagugutom. Wala silang magawa. Patuloy silang naghihintay ng pagkain, damit at gamot pero wala umanong dumaraÂting. Marami sa kanila ang nag-eevacuate na patungong Catbalogan sapagkat wala silang matirahan at makain sa Tacloban. Tumatawid ang mga tao sa San Juanico Bridge para marating ang Samar.
Bukod sa gutom na tinitiis, nagtitiis din ang mga residente sa grabeng amoy ng mga nabubulok na bangkay ng tao at hayop. Sa isang video, maraming tao ang nasa kapitolyo at doon sila nagsisiksikan habang sa tagiliran ng gusali ay naroon ang mga bangkay na hindi pa naaalis sa ilalim ng mga bumagsak na puno at bubong ng bahay.
Marami nang bansa ang nagpadala ng tulong – pagkain, gamot, damit at kung anu-ano pa – subalit mabagal naman ang pamahalaan sa pamamahagi ng mga ito. Imagine, mag-iisang linggo na mula nang mangyari ang delubyo subalit wala pang natatanggap na tulong ang mga karamihan sa mga nasa Tacloban at iba pang bayan sa Leyte. Kawawa naman sila. KaÂilangan nila ng agarang tulong lalo ang pagkain.
Sabi ni President Aquino nang interbyuhin ng Cable News Network (CNN) kahapon, nahihirapang dalhin ang relief goods dahil sira-sira ang mga kalsada at maraming nakahambalang sa daan. Pero unti-unti na raw nakakarating ang mga tulong.
Bilisan naman sana ang pagkilos. Magkaroon naman sana ng sistema sa pamamahagi ng tulong at siguruhing makakarating sa mga kawawang biktima.