EDITORYAL - Apat na taon na ang Maguindanao massacre
SA Nobyembre 23, 2009 ay ikaapat na anibersarÂyo ng karumal-dumal na Maguindanao massacre. Apat na taon nang naghihintay ng hustisya ang mga kaanak ng kawawang biktima subalit napakailap at tila wala nang pag-asang magkaroon pa ng kalutasan. Ilang taon pa ang hihintayin (o baka wala na) bago makakita ng liwanag ang mga kaanak ng pinaslang. Ang Maguindanao massacre ang itinuturing na pinaka-karumal-dumal na pangÂyayari sa Pilipinas sa panahon ng election. Walang awang pinagbabaril ang 58 katao, 32 rito ay mga mamamahayag na kasama sa convoy ng mga magpa-file ng kandidatura para sa pagka-gobernador. Pinababa sa sasakyan ang mga biktima at walang awang pinagbabaril. Hindi na iginalang ang mga babae. Sama-sama silang inilibing sa malaking hukay. Pati mga sasakyan ay inihulog din sa hukay para walang makitang ebidensiya.
Napakabagal nang pag-usad ng kasong ito. Dahil sa kabagalan, marami nang testigo ang pinatay. Mayroon na ring mga kaanak ng biktima ang umano’y umatras at nakikipag-areglo na sa mga akusado. Sa sobrang tagal, natutukso nang tanggapin ang perang kapalit para iatras ang kaso. Ayaw man nilang gawin, pikit-mata na lang sila. Wala silang magawa sapagkat maaaring makamatayan nila ang kaso. Baka mawala na sila ay wala pa ring nangyayari.
Naglutangan na ang maraming isyu sa kasalukuyan --- PDAF, DAP, Malampaya Funds, at marami pang katiwalian at natatabunan na ang isyu sa Maguindanao massacre.
Kailan bibilis ang pag-usad ng kasong ito? Kailan makakamtan ang hustisya? Sana mapagtuunan ng pansin ang karumal-dumal na kasong ito.
- Latest