Nuclear plant sa Sweden, nag-shut down dahil sa mga bumarang Jellyfish
PARANG gelatin sa lambot ang jellyfish pero kahit na ang mga dambuhalang nuclear power plant ay kaya nilang patigilin ang operasyon. Kaya nilang barahan ang mga tubo ng nuclear at sa isang iglap ay mapuputol na ang pagdaloy ng enerhiya. Mawawalan ng kuryente ang maraming lugar kapag naputol ang operasyon ng planta.
Ganyan ang nangyari sa Oskarshamn nuclear power plant sa Sweden kaya dalawang araw na nag-shut down. Ang nabanggit na nuclear plant ang isa sa mga pinaka-malaking nuclear reactors sa mundo.
Natuklasan ng mga engineer ang dahilan kaya natigil ang operasyon ng planta --- isang pulutong ng mga jellyfish ang bumara sa mga tubo na patungong turbine. Ang mga tubo ang nagdadala ng tubig sa turbine para hindi ito mag-init. Kusang nagsa-shut down ang reactor kung walang tubig na dumadaloy sa mga tubo.
Agad nilinis ang mga tubo. Inabot ng dalawang araw ang pag-aalis sa mga na-kabarang jellyfish.
Unang nagbara ang Oskarshamn plant noong 2005 dahil sa mga jelly fish. Noong 2012, nag-shut down din ang Diablo Canyon facility sa California dahil sa mga bumarang jelly fish sa tubo.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga engineer ng planta na laging imonitor ang mga tubo para hindi na magbara roon ang mga jellyfish sa darating na panahon.
- Latest