EDITORYAL - Huwag tutulug-tulog
HINDI pa ganap na humuhupa ang bakbakan sa Zamboanga City na ngayon ay nasa ika-14 na araw na. Hanggang ngayon, nakapagtataka pa rin kung paano nakapasok ang MNLF-Misuari faction sa Zamboanga City noong Setyembre 8. Tutulug-tulog ba ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines? Siyempre, hindi ito aaminin ng PNP o AFP.
Ayon sa mga residenteng hinostage sa Sta. Catalina Village, bigla na lang naglutangan ang mga armadong lalaki (ang ilan ay mga edad 20 pataas) at pinasok ang kanilang mga bahay at binihag sila. Ginawa silang panangga nang sumalakay ang mga sundalo. Paano nga kaya nakapasok sa lungsod ang mga armado na hindi naamoy o natiktikan ng PNP o AFP. Hindi ba’t may intelligence fund sila?
Nasira ang bahagi ng lungsod dahil sa matinding bakbakan. Maraming bahay at gusali ang nagkabutas-butas. May mga bahay na sinunog. Hindi pa hinaÂhayaan ng military ang sinuman na makapasok sa mga lugar na kinubkob ng MNLF. May mga nakitang uniporme ng MNLF sa Catalina Village at suspetsa ng military, nagpalit ng damit ang mga miyembro ng MNLF para hindi sila mapaghinalaan.
Habang hindi pa natatapos ang bakbakan sa Zamboanga, dapat din namang hindi “matulog sa pansitan†ang mga awtoridad sa maraming bahagi ng Mindanao o maski sa Metro Manila. Maaaring magsagawa ng pagpapasabog sa mga matataong lugar ang mga taong may “utak pulburaâ€. Patunay dito ang nangyaring pagsabog sa SM City at Gaisano Mall sa Davao City noong Lunes ng umaga. Sumabog ang bomba sa sinehan ng SM at makaraan ang ilang minuto ay may sumabog sa loob ng Gaisano. Limang tao ang nasugatan.
Paano naipasok ang bomba? Natutulog ang guwardiya ng dalawang mall? Pumapalpak ang PNP at AFP sa pagbabantay, pati ba naman mga guard sa mall ay tutulug-tulog din?
Paigtingin ang pagbabantay para walang makalusot na masasamang-loob. Siguruhin ang kaligtasan ng mamamayan.
- Latest