Restaurant, nireklamo ng mag-asawa dahil marumi, pinagbayad ng korte; walong sakong barya ang ibinayad
KUMAKAIN sa isang restaurant sa Kunming, Yunnan Province ang mag-asawa nang mapansin nila ang maruming kapaligiran nito. Marami umanong ipis at langaw at hindi rin malinis ang mga ginagamit na plato at kutsara. Ang sahig ay nanggigitata sa dumi.
Dahil doon, agad na nagreklamo ang mag-asawa sa staff ng restaurant. Pero sa halip na pakinggan ang reklamo ng mag-asawa, nagalit pa ang mga staff at pinagtulung-tulungan silang saktan. Nagtamo ng mga sugat ang mag-asawa. Nagsampa sila ng reklamo sa korte laban sa may-ari ng restaurant.
Nagpasya ang korte pabor sa mag-asawa. Inatasan ang may-ari ng restaurant na bayaran ang mag-asawa ng 68,000 Yuan bilang danyos.
Pero hindi doon natapos ang problema. Sumunod ang restaurant sa pasya ng korte na bayaran ang mag-asawa pero barya ang kanilang binayad. Nasa 100,000 barya ang binayad. Nakalagay ang mga barya sa walong sako na ang timbang ay 400 kilos. Kinailangan ang 18 tauhan ng banko para bilangin ang mga barya.
- Latest