EDITORYAL - Mga gahama’t matakaw na negosyante, bantayan
SABI ng Department of Trade and Industry (DTI) naka-freeze ang presyo ng mga bilihin sa mga lugar na sinalanta ng baha. Ibig sabihin, hindi puwedeng magtaas ng presyo sa anumang bilihin. Pero paano kaya nakasisiguro ang DTI na hindi nga magsasamantala ang mga negosyante.
Kapag may kalamidad, lumulutang ang mga gahamang negosyante. Sasamantalahin ang pagkakataon para maitaas ang kanilang mga paninda lalo na ang mga pagkain. Alam nilang hindi na makakapiyok ang mga nangangailangan ng pagkain at magbabayad kahit sobra-sobra ang patong. Walang ipinagkaiba ang mga gahamang negosyante sa mga buwitre na nagsusulputan kapag nakaamoy ng mga bangkay. Walang pakialam ang mga ganid at gahamang negosyante sa kalagayan ng mga biktima ng baha o ng kalamidad. Ang nasa isip ng mga gahaman ay kumita nang malaki. Mabuti pa nga ang mga buwitre at kapag nabusog sa laman ng bangkay ay titigilan na ang pagsila at pagkatay. Ang mga gahamang negosyante ay hindi titigil at gusto’y kumita nang kumita hanggang umapaw ang kanilang bulsa.
May mga report na ilang pangunahing paninda --- bigas, sardinas, noodles, kape at asukal ay tinaas ng presyo sa mga lugar na sinalanta ng baha. Umano’y maraming may-ari ng tindahan sa mga binahang lugar ang nagtaas nang doble sa kanilang paninda. May tindahan ng bigas sobra-sobra ang pinatong. Yung dating nabibili ng P36 ay naging P46 at yung dating P46 ay naging mahigit nang P50. Pati ang sardinas, kape at asukal ay tila naging “ginto†ang presyo. Hindi na raw makaangal ang mga bumibili sapagkat kailangan na nilang magsaing dahil nagugutom na ang mga maliliit na anak.
Sana nga ay ginagawa ng DTI ang regular na pagmonitor sa mga presyo ng bilihin. Kawawa naman ang mga biktima ng baha kung pati presyo ng bigas at iba pang pangangailangan ay itataas. Sobra na ang kanilang nararanasan. Ipatikim ng DTI ang “kamaong asero†sa mga negosyanteng masahol pa sa mga “gutom na buwitreâ€.
- Latest