^

Punto Mo

Laparoscopic surgery para sa gallstones

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D - Pang-masa

KAHIT may namuong mga bato sa loob ng apdo (gallbladder), madalas ay wala pa ring sintomang nararamdaman ang isang tao. Kahit taon na ang lumipas, wala pa ring sintoma hangga’t nananatili sa loob ng apdo ang mga naturang bato.

Pero huwag ipagkamaling walang mararamdamang kirot ang taong may bato sa apdo. Nagsisimu­lang makaramdam ng pangingirot kapag nakaalpas mula sa apdo ang mga bato patungo sa ilang tubong daanan at mabarahan. Kapag nangyari ang pagbabara, mamamaga na ang apdo at makakaramdam na ng kakaibang sakit na kung tawagin ay “biliary colic.” Mararamdaman ito sa gawing kanang itaas, sa dakong ilalim ng tadyang.

Tumitindi ang atake ng kirot sa loob ng 15 minuto hanggang isang oras, at nananatiling may discomfort sa loob ng 12 oras. Ito yung kirot na maaaring kakailanganing pumunta sa ospital ang pasyente para maginhawahan.  Nakakaramdam din ang pasyente na parang naduduwal o aktuwal na nagsusuka.

Marami ang nagsasabi na kapag kumain ng mamantikang pagkain, tiyak na makakaramdam ng pangingirot na kung tawagin ay “biliary colic.” Pero hindi totoong ang mamantikang pagkain ang sanhi nito. Katunayan, ang pagkain ng heavy meal ang nagbibigay-daan sa biliary colic. Hindi nagdudulot ng pakiramdam na bloated ang bato sa apdo. Ang pakiramdam na naduduwal ay sanhi ng biliary colic. Kusa namang humuhupa ang kirot na dala ng biliary colic.

Ngayon, kung ang naturang pagbabara ay natagalan at nanatili roon, nagiging inflamed na ang apdo. Puwedeng dumami ang bacteria sa lugar na ito at magkaroon ng impeksyon. Nagiging delikado ang kondisyon kapag may impeksyon na.  Puwedeng lagnatin ang pasyente. Makatutulong ang ultrasound para makatiyak kung may bato nga sa apdo. Posibleng gawin pa ang ibang tests gaya ng MRI, CT scan, at ERCP. Bahala na ang doctor na magbigay ng request kung kakailanganin pa ito.

Ang mga bato sa apdo na hindi naman nagdudulot ng anumang sintoma ay hindi na nangangailangan pang gamutin. Pero kung ang batong ito ay nagdudulot ng pabalik-balik na atake ng pangingirot sa naturang lugar, puwedeng isagawa ang pagtatanggal mismo ng apdo. Cholecsytectomy ang tawag sa operasyong ito.

Kapag natanggal na ang apdo, wala na rin ang atake ng biliary colic. Hindi totoong naaapektuhan ang kakayahan nating lumusaw ng pagkain kapag tinanggal na ang ating apdo. Mayroon na ring operasyon ngayon na hindi na kinakailangan ang malaking hiwa sa tiyan. Kahit maliit lamang ang hiwa, nagpapasok ng instrument  na kung tawagin ay “laparoscope.”

Mas madalas nang ginagawa ngayon ang “laparoscopic gallbladder surgery.” Mas maikli ang nagiging hospital stay, mas mabilis din ang recovery ng pasyente, at di hamak na maliit ang nalilikhang pilat na dulot ng operasyon.

APDO

BAHALA

BATO

BILIARY

KAHIT

KAPAG

KUNG

PERO

PUWEDENG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with