EDITORYAL - Paigtingin ng PNP ang pagbabantay
NAGDUDULOT na ng pangamba ang sunud-sunod na pambobomba sa ilang lugar sa Mindanao. Unang nagkaroon ng pambobomba sa Cagayan de Oro City kung saan walo ang namatay. Sumunod ay ang pambobomba sa Cotabato City noong Lunes kung saan walo rin ang namatay. Kahapon, nagkaroon uli ng pagsabog sa Midsayap, Cotabato. Wala namang namatay sa huling pambobomba.
Ang pambobomba sa CDO ay hindi pa nalulutas. Wala pang lead ang Philippine National Police (PNP). Ang naganap namang pambobomba sa Cotabato City ay wala pa ring resulta. Inilagay umano ang bomba sa isang multicab na nakaparada sa lugar. Ang mga namatay ay mga nagdadaan lang at nasa sasakyan. Ilan sa mga biktima ay bata.
Kahapon, naiulat na may mga teroristang nasa Metro Manila at dito magsasagawa ng karahasan! Ayon sa report, nasa Metro na umano ang mga teroÂristang Abu Sayyaf, Jemaah Islamiyah at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Umano’y isang Saji Mukamad, miyembro ng BIFF ang nagsabing ilan sa kanilang miyembro ay nasa Metro Manila para magsagawa ng test mission. Sabi naman ni NCRPO Director P/Chief Supt. Marcelo Garbo Jr., ilang miyembro umano ng Abu Sayyaf ang na-monitor sa Metro Manila pero nagre-rest and recreation lamang ang mga ito matapos na magsitakas sa Mindanao.
Maski sa Senado ay tinalakay na ang nangyayaring pambobomba sa Mindanao. Sabi ni Senate Minority Leader Juan Ponce-Enrile na hindi malayong ang pambobomba sa Mindanao Region ay umabot sa Metro Manila. Hindi na umano maituturing na isolated case ang sunud-sunod na bombings sa Mindanao lalo pa’t may panibagong insidente na naganap.
Sinabi naman ng PNP na wala silang natatanggap na security alert mula sa National Intelligence CoÂordinating Agency (NICA). Kung walang natanggap na security alert, ibig bang sabihin, hindi na maghihigpit sa seguridad. Lagi na lamang bang malulusutan ng bombers? Mahina na ba ang intelligence gathering?
Mga sibilyan ang nabibiktima sa karahasan. Dapat mapigilan ang mga walang kaluluwa.
- Latest

















