Solusyon sa trapik ng MMDA
MARAMI agad ang umaalma sa panukala ni MMDA chairman Francis Tolentino na dalawang beses sa isang linggo hindi lalabas o bibiyahe ang mga sasakyang pribado man o publiko.
Sa kasalukuyan, isang araw lamang sa loob ng isang linggo bawal maka-biyahe ang isang sasakyan kaugnay ng number coding scheme.
Plano ni Tolentino na ipatulad ang bagong number coding ng dalawang beses isang linggo. Tulad ng Lunes bawal na ang ending ng plate number na 1, 2, 3 at 4; pag-Martes ay 5, 6, 7 at 8; Miyerkules ay 9, 0, 1 at 2; Huwebes ay 3, 4, 5 at 6 at kung Biyernes ay bawal ang 7, 8, 9, at 0.
Ayon kay Tolentino, aabot sa 40 porsiyento ng mga sasakyan ang mawawala sa EDSA kapag ipinatupad ang bagong number coding scheme.
Sana naman, sa EDSA lang muna ipatupad ang number coding para malaman natin kung ito ba ay solusyon sa problema sa trapiko.
Katwiran ni Tolentino, ang number coding na ito ay ipinatupad at nagtagumpay daw sa Rio de Janeiro, Brazil.
Kung magpapatupad ng panibagong number coding scheme, dapat isabay na ng MMDA ang paglilinis sa mga kalye. Tanggalin ang mga illegal parking para magsilbing alternatibong ruta ng mga motorista.
Higpitan at hulihin ang mga walang disiplinang drayber ng mga pampasaherong bus, jeepney at taxi pati mga pribadong sasakyan.
Kung hindi magkakaroon nang mahigpit na pagpapatupad sa batas, asahan na hindi masosolusyunan ang problema sa trapiko.
Panahon na para pag-aralan ng gobyerno ang pagbabawal sa mga sasakyan na lampas 15 taon.
Taun-taon, tumataas ang bilang ng mga bagong sasakyan pero hindi naman naalis ang mga lumang sasakyan samantalang ang mga kalsada ay hindi rin naman lumalapad.
Sa ganitong problema, makabubuting hintayin muna natin ang magiging epekto ng bagong number coding scheme ng MMDA. Kung walang epekto, puwede namang bawiin.
Mas mabuti na patuloy na humahanap ng solusyon ang MMDA sa problema sa trapiko kaysa naman pabayaan na lang na lumala ang problema sa trapiko sa mga pangunahing kalsada.
- Latest