EDITORYAL - Ingatan ang mabigat na testigo
TATAGAL daw ng 200 taon bago madesisyunan ang karumal-dumal na Maguindanao massacre. Mabagal ang pag-usad ng kaso. Mag-aapat na taon na sa Nob. 23, 2013 subalit wala pang nararating. Ang masaklap, ang mga testigo sa massacre ay pinapatay.
Limampu’t walo ang namatay sa massacre at 30 rito ay mga miyembro ng media. Pinakamalagim sa kasaysayan ng election sa Pilipinas. Hinarang ang convoy ng mga biktima na magpa-file ng kandidatura ni Ismail Mangudadatu para governor ng probinsiya. Pinagbabaril lahat. Nang masigurong patay na lahat, inihulog ang mga bangkay sa isang sinadyang malalim na hukay gamit ang isang backhoe. Ang mga sasakyan ay inihulog din kahit may mga tao sa loob. Dinikdik pa ng backhoe ang mga sasakyan makaraang ihulog sa hukay.
Ang operator ng backhoe ay nakilalang si Bong Andal. Lumantad sa GMA-7 News si Andal noong nakaraang linggo at isinalaysay ang ginawang pagÂlilibing sa mga bangkay gamit ang backhoe. Iyon umano ang utos sa kanya. Ayon kay Andal, ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata habang dinidikdik ng backhoe ang mga sasakyan na may mga tao sa loob. Sinabi niya sa exclusive interview na nakahanda siyang mag-testify sa Ampatuan clan. Hinihiling niya na maging state witness. Kailangan niya ang proteksiyon ng gobyerno.
Kung mabibigyan ng proteksiyon si Andal at magiging state witness, maaaring hindi na abutin ng 200 taon ang kaso. Sa bigat ng kanyang testimonya, maaaring madiin ang mga akusado. Pero sabi ng Department of Justice, nasa Witness Protection Program (WPP) na si Andal subalit iyon ay provisional at partial basis lamang.
Kamakailan, napabalita ang umano’y pakiki-pag-ayos ng mga kaanak ng biktima sa mga akusado kapalit ang pera. Hahayaan ba ng gobÂyer-no na umabot sa ganito ang lahat? May mabigat namang testigo kaya nararapat umusad nang mabilis ang kaso. Ipakitang may hustisya sa bansang ito. Ingatan ang testigo na maaaring susi sa karumal-dumal na kaso.
- Latest