Aregluhan sa Maguindanao massacre
POSIBLENG matuloy din ang sinasabing pagpayag o pakikipag-areglo ng ilang pamilya ng biktima ng Maguindanao massacre laban sa pamilya Ampatuan.
Masyadong mabagal ang pag-usad ng kaso at darating din ang punto na maiinip nang tuluyan ang mga pamilya ng biktima sa karumal-dumal na krimen. Hindi masisisi kung mainip at makipag-areglo ang ilang pamilya ng biktima dahil sa mabagal na proseso ng pagkamit ng katarungan.
Ayon sa ilang eksperto sa batas, baka tumagal ng 20 hanggang 50 taon o lampas pa ang nasabing kaso dahil sa maling diskarte ng prosekusyon na napakaraming complainants at akusado ang sangkot. Kung ilalagay ang ating sarili sa pamilya ng mga biktima at may mag-aalok ng settlement at malaking halaga, hindi masisisi ang mga ito na masilaw sa salapi dahil sa kahirapan ng buhay.
Ano kaya ang ibinibigay na suporta ng pamahalaan sa mga pamilya ng biktima ng Maguindanao massacre? Nabibigyan kaya ng tulong pinansiyal at iba pang benepisyo?
Lumilipas ang panahon at humuhupa ang emosyon at galit ng taumbayan sa mga Ampatuan. Hanggang magising na lang tayo na walang nangyari sa krimen.
May pakunsuwelo si DOJ secretary Leila de Lima na tumitiyak na hindi raw maaapektuhan ang kaso sa Maguindanao massacre kahit pumasok sa settlement ang ilang pamilya ng biktima. Magtutuloy-tuloy naman daw ang kaso laban sa mga Ampatuan dahil hindi suportado ng prosekusyon ang settlement sa mga pangunahing suspek.
Pero baka tapos na ang termino ni P-Noy at wala na sa DOJ si De Lima ay hindi pa tapos ang paglilitis sa kaso.
Ipagdasal natin na may kahahantungang mabuti ang kasong ito kahit mabagal ang pag-usad at mapaparusahan nang pinakamabigat na hatol ang mga pangunahing suspek sa karumal-dumal na krimen.
- Latest