‘Kamay na bakal’ gamitin ng gobyerno
TINIYAK ng gobyerno na ngayong taon na ito ay maiaalis na ang squatter families na naninirahan sa mga estero. Ang mga nakatayong barung-barong ang dahilan kaya hindi nakadadaloy nang maayos ang tubig sa estero. Sila ang dahilan kaya nagbabara ang drainage system na nagreresulta ng pagbaha sa Metro Manila.
Naglabas na ang gobyerno ng P3.2 billion budget para sa relocation ng mga iskuwater. Pero nagiging paulit-ulit lang ang problema sa squatter families. Marami na sa mga squatter ang nakapag-avail na ng relocation program noon pero muli silang bumabalik sa pagiging squatter.
May mga squatter na kapag nakakuha nang lupa’t bahay ay ibinebenta ito o pinauupahan at muli silang hahanap ng mga lugar sa Metro Manila na puwedeng pag-squatan.
Kailangan nang gumamit ng “kamay na bakal†ang gobyerno. Ipagbawal ang pagbebenta o pagpapaupa sa mga bahay na maa-avail ng squatter families. Kailangan na ang mismong mga benepisaryo ang dapat na makinabang sa proyekto ng gobyerno. Sinumang mahuhuli na nakinabang na sa relocation program at muling bumalik sa pagiging squatter ay hindi na makaka-avail sa programa.
Kung hindi maghihigpit ang gobyerno sa programang ito masasayang lang ang budget. Dapat ipaliwanag nang husto sa squatter families na malaking tulong sa paglutas sa baha kung sila ay makakapaloob sa relocation program. Hindi na rin sila problema ng gobyerno sa tuwing may bagyo o iba pang kalamidad.
Ang pangunahing magpapatupad ng relocation program ay si Vice President Jejomar Binay na pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Dapat magkaroon ito ng ugnayan sa Department of Interior and Local Government na pinamumunuan ng kanyang karibal sa pulitika na si Secretary Mar Roxas. Sa pagpapatupad ng relocation program, hindi sana mahaluan ng pulitika dahil sina Binay at Roxas ay inaasahang magsasalpukan sa 2016 presidential elections.
- Latest