Paikut-ikot lang!
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang lider ng kilabot na carnappping group na si Joemel Salvatierra na nag-o-operate sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Si Joemel, alyas Niknok, lider ng tinaguriang ‘Salvatierra carnapping syndicate’ ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Teresita Asuncion Lacandula-Rodriguez ng Valenzuela City Metropolitan Trial Court sa kasong illegal possession of firearm, kamakalawa.
Nabatid mula kay Senior Supt. Joel Pagdilao, district deputy director for administration ng QCPD na inaresto ito habang dumadalo sa isang hearing sa kasong carnapping sa Malolos, Bulacan.
Ang grupo ni Salvatierra ay napag-alamang responsable sa pagtangay sa sasakyan ni dating Senator Nene Pimentel noong January 2012 sa Brgy. Bahay Toro sa Quezon City.
Matagal na umanong nabuwag sana ang grupong ito, dahil sa sunud-sunod na pagkaaresto sa mga miyembro. Kahit pa nga nakipag-alyansa ang grupo nito sa isa pang carnapping group.
Pero dahil nga raw sa bailable ang kasong carnapping, kahit halos maubos na sa pagkakadakip ang mga miyembro ng mga ito, muling nabubuo at muling tumitira.
Ganoon daw kasi kadali, sa maliit na piyansa na katiting lang sa kinikita nila sa iligal na gawain, aba’y ang bilis-bilis na nababawi ang ginastos sa piyansa. Kaya nga paglabas, kahit pansamantala lang ang dali-dali nilang nababawi kaya balik sa dating gawi.
Kaya nga hiling din ng mga awtoridad, katulad ng hiling nila sa iba pang kauring kaso sa mga mambabatas na sana ay mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga masasangkot sa mga ganitong krimen para hindi na lang paulit-ulit ang lahat.
Kaya karamihan sa mga ganitong sindikato, hindi tuluyang nabubuwag kung minsan nagpapalit lang ng mga pangalan, pero ang mga miyembro ’yun pa ring mga nadakip na ng pulisya na nakalaya dahil sa piyansa. Paikut-ikot lang!
- Latest