Pamilya ni Uyami kumikita ng milyon
LUMUTANG din ang katotohanan na kaya maraming perang tinatanggap kada petsahan si Ben Salandanan sa isang money transfer shop sa Biñan, Laguna dahil galing ito sa gambling lords sa Calabarzon area. Si Salandanan ay batang sagrado ni Dodjie Lasierda, ang tong collector ng Calabarzon police. Para hindi magulo ang tabakuhan sa Calabarzon area dahil sa “no take, no contact†policy ni CIDG director Chief Supt. Frank Uyami Jr., inilubog ni Lasierda ang pangalan niya at iniangat naman ang kay Salandanan. ‘Yan ay para hindi uminit si Lasierda at ang habulin ng mga tauhan ni Uyami ay si Salandanan. Get’s n’yo mga kosa?
Subalit wala namang sekreto na tumatagal at naisiwalat ng mga kosa ko sa Calabarzon ang modus operandi ni Lasierda. Inilibot pala ni Lasierda si Salandanan sa gambling lords sa Calabarzon area para ito na ang sasaklaw sa papel niya. Imbes na kay Lasierda magbibigay ng petsahang intelihensiya, dumadaan na ito kay Salandanan para maialis sa una ang mainit na mga mata ni Uyami. Kaya kada 7, 15, 22, at 30 o 31 ng buwan, maraming salaping kinukubra si Salandanan sa money transfer shop sa Biñan na ipinagtataka ng mga kakilala niya. Wala kasing trabaho si Salandanan at wala rin siyang kapamilya sa abroad. Kaya sa pananaliksik ng mga kosa ko, natuklasan na galing sa gambling lords ang perang kinukubra niya sa money transfer shop. At ang kinukubra pala ni Salandanan kada linggo ay P800,000 sa jueteng na ang front ay Small Town Lottery (STL) at P400,000 naman sa sugal lupa tulad ng video karera, sakla, peryahan, lotteng at iba pa. Magka-ending din itong drama ni Lasierda, di ba mga kosa?
Ayon sa mga kausap ko, hindi lang si Calabarzon police director Chief Supt. Pompom Estipona ang nakikinabang sa patuloy na tong collection activities ni Lasierda kundi maging si CIDG regional director Sr. Supt. Pedro Cabatingan, NBI, GAB at iba pang operating agency ng gobyerno. Kaya tahimik sa ngayon ang tabakuhan sa Calabarzon dahil “Oplan Pagpakilala†lang pala ang mga raid na ginawa ni Cabatingan. At mukhang bilang na ang mga araw ni Cabatingan sa Calabarzon dahil mainit sa kanya si Uyami. Mare-relieve kaya si Cabatingan?
Pero dapat habulin din ni Uyami si alyas Ryan Lorenzo dahil putok na sa Southern Luzon na binabanggit niya ang CIDG sa gambling lords para makakolekta ng weekly payola. Kung sabagay, hindi lang si Lorenzo ang nag-iikot para iligwak ang “no take, no contact†policy ni Uyami kundi pati ang tropa ni Supt. Ariza, ng SRU ng CIDG. Si Ariza ay dating intelligence officer ni Uyami noong hepe pa siya ng Pasig police.
Subalit marami naman sa mga kausap ko sa Camp Crame ang ayaw maniwala na makikisawsaw si Uyami sa illegal gambling. Kasi nga, ang negosyo ng pamilya ni Uyami ang nanalo sa bidding sa pag-supply sa PNP ng mga bala at mortar. Nakipag-tie up ang pamilya ni Uyami sa supplier sa AFP para makuha rin nila ang supply ng bala ng militar. Kung kumikita ng milyon ang pamilya ni Uyami sa negosyo nila bakit kailangan pang dumihan niya ang kanyang mga kamay? Abangan!
- Latest



















