EDITORYAL - Huwag manigarilyo
NOONG nakaraang Mayo 31 ay pinagdiwang ang World No Tobacco Day sa buong mundo. Taun-taon ay ginagawa ang pagdiriwang upang maitanim sa kaisipan ng mga tao ang panganib na dulot ng tabako o ng paninigarilyo. Ayon sa World Health OrganiÂzation (WHO), kalahati ng mga gumagamit ng tabako o naninigarilyo ay namamatay sa sakit na dulot nito. Limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring maging walong milyon sa 2030 kung hindi magkakaroon nang matibay na kampanya laban sa paggamit ng tabako o paninigarilyo. Ang masigasig na kampanya para tumigil sa paninigarilyo ang mga tao ang magliligtas sa kamatayan.
Ayon sa Department of Health (DOH) ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ang pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga Pinoy. Karaniwang sakit na dulot ng paninigarilyo ay ang hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung disease. Nasa 14 na milyong Pinoy ang may hypertension at ito umano ay dahil sa paninigarilyo. At sa dami ng mga Pinoy na may mataas na blood pressure, hindi nila alam na kabilang sila rito. Matutuklasan na lamang kapag malala na ang sakit at inaatake na sa puso o kaya’y na-stroke. Ang chronic obstruction pulmonary disease (COPD) ay isa sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo. Habambuhay na ang sakit na ito na kinapapalooban ng mahirap na paghinga.
Ang second hand smoke o nalalanghap na usok mula sa naninigarilyo ay mapanganib. Kung ano ang sakit na nakukuha ng smoker iyon din ang kinahahantungan ng taong nakalanghap ng usok ng sigarilyo.
Nararapat paigtingin pa ng DOH ang kampanya laban sa paninigarilyo. Alam namin, na hindi tumitigil ang DOH para mahikayat ang marami na huwag manigarilyo. Nararapat isulong ng DOH ang paglalagay ng mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo sa kaha mismo nito. Kapag nakita ang mga sakit, maÂaaring matakot ang magyoyosi.
Paigtingin din naman ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga publikong lugar. Hulihin at parusahan ang mga lalabag. Magkaroon din ng kampanya sa mga school para mapagbawalan ang mga estudyanteng nalululong sa yosi.
- Latest