EDITORYAL - Maraming college grad ang nagiging tambay
MARAMING nagtapos ng kolehiyo ang walang trabaho sa kasalukuyan. Ito ay ayon sa report ng National Statistics Office (NSO). Ayon sa NSO, 18 percent ng mga walang trabaho sa kasalukuyan ay tapos ng kolehiyo. Noong Enero 2013, tinata-yang 608,000 tao lamang ang naka-empleo mula sa dating 606,000. Ibig sabihin, 2,000 tao lamang ang nagkatrabaho sa unang buwan ng 2013.
Sinabi ni NEDA Director General Arsenio Balisacan, hindi nagtutugma ang mga pinoprodyus na graduates ng mga kolehiyo at unibersidad sa demand naman ng merkado. Ayon kay Balisacan, may nakikitang kamalian sa sistema ng mga eskuwelahan sa kasalukuyan. Ipinakikita raw na walang maayos na pag-uusap ang mga unibersidad at mga kompanya.
Nakikita ng NEDA ang kamalian kung bakit patuloy na lumolobo ang mga nagtapos ng kolehiyo subalit wala namang makuhang trabaho. Maaaring sobra-sobra na ang mga nagtatapos ng kurso na hindi naman lubusang kailangan sa merkado. Mayroong kurso na hindi na rin kailangan sa abroad pero patuloy na inio-offer ng mga unibersidad.
Halimbawa na lamang ay ang kursong nursing. Patuloy ang pag-ooffer ng nursing sa maraming unibersidad sa bansa gayung napakarami nang graduates. Maraming Pinay nurses ang hindi na matanggap sa abroad (U.S., Canada, Europe, atbp.) sapagkat sobra-sobra na.
Sa darating na pasukan, marami na namang kukuha ng nursing at madadagdag sila sa problema na wala ring makukuhang trabaho kapag nakatapos. Sa magulang pa rin sila aasa.
Sa nangyayaring maraming college graduate ang tambay, dapat magsikap ang pamahalaan kung paano magkakaroon ng hanapbuhay ang mga ito. Kailangang kumilos kung paano madadagdagan ang trabaho. Kontrolin naman ng mga unibersidad ang pag-ooffer ng mga kursong hindi naman in-demand sa merkado.
- Latest