Pinoy na nasa Taiwan, umuwi na lang
Nakalulungkot ang mga nangyayari ngayon sa mga OFW sa Taiwan na nakakaranas umano ng pagmamaltrato mula sa mga Taiwanese. Makakabuting umuwi na lamang sila sa Pilipinas.
Malaking problema ito dahil nasa 85,000 ang mga OFW sa Taiwan. Subalit kung sila naman ay pagmamalupitan, makabubuting lumayas na sila roon. Malaki nga ang kinikita nila roon pero kung hindi naman sila magiging komportable, makabubuting umalis na sila roon.
Ayon sa mga report, nag-ugat ang pagmamaltrato at diskriminasyon sa mga Pilipino dahil sa pagkakapatay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa isang Taiwanese fisherman na iligal na pumasok sa ating karagatan at nangisda.
Iparamdam din natin sa Taiwan government na mayroon din namang prinsipyo ang mga Pilipino at kaya nating mabuhay kahit wala ang mga Taiwanese. Kung tutuusin, mas marami pa ngang perwisyo ang dinadala ng mga Taiwanese sa Pilipinas. Ang tinutukoy ko ay ang mga Taiwanese na nahulihan ng iligal na droga. Maraming buhay ang sinisira ng mga ito.
Kung hindi man kayang obligahin ng gobyerno ang lahat ng mga Pilipino, makakabuting magkusa na lang ang lahat lalo na kung nakararanas sila ng masamang pagtrato mula sa mga Taiwanese.
Iparamdam naman natin sa mga Taiwanese na nasa bansa ang ating pagmamahal at pakikisama. Huwag suklian ng masama ang ginagawa sa ating kababayan upang malaman nila kung gaano kabuti ang mga Pilipino.
Humingi na ng paumanhin ang gobyerno Pilipinas pero hindi ito tinanggap ng gobyerno ng Taiwan kaya makakabu-ting hikayatin na lang ang mga OFW na humanap muna ng lilipatang bansa para magtrabaho habang mainit ang tensiyon.
Kahit saan lugar kahit dito sa Pilipinas ay kung hindi ka naman masaya sa iyong kompanya na pinaglilingkuran ay malayang makahanap ng ibang kompanya na mas kompor-table at masaya.
Hindi naman maituturing na nagmamalaki na tayo sa Taiwan subalit kailangang din nating iparamdam sa kanila na kahit wala sila ay mabubuhay ang mga Pilipino.
Huwag din sanang pumayag ang gobyernong Pilipinas sa hiling ng Taiwan na magkaroon sila ng karapatan na makapangisda sa ating karagatan dahil kulang pa ito sa mga Pilipinong mangingisda.
- Latest