EDITORYAL- Kailan matitikman ang hustisya?
NOBYEMBRE 2000 nang dukutin at pata-yin ang PR man na si Salvador “Bubby†Dacer at kanyang driver na si Emmanuel Corbito. Patungo umano sa kanyang tanggapan sa Maynila si Dacer nang dukutin. Natagpuan ang sasakyan ni Dacer sa isang bangin sa Cavite at makalipas ang ilang araw natagpuan naman ang sunog nilang katawan sa isang bayan sa Cavite.
Mga miyembro ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) na pinamumunuan ni dating PNP chief Panfilo Lacson ang tinurong mga suspect. Kabilang sa mga kinasuhan sina Michael Ray Aquino at Cesar Mancao. Sinampahan sila ng kaso noong 2001. Pero bago sila nasilbihan ng subpoena, nakalabas ng bansa ang mga akusado. Nakabalik sa bansa si Mancao noong 2009 at si Aquino noong 2011. Parehong ikinulong ang dalawa nang makabalik sa bansa. Itinuro ni Mancao si Lacson na utak ng krimen. Nagtago si Lacson sa loob ng isang taon at bumalik sa bansa nang ipawalang-sala ng Court of Appeals.
Hindi pa matikman ng pamilya Dacer at Corbito ang inaasam na katarungan. Grabe na ang paghihirap ng kanilang kalooban. Napakasakit ang nangyaring pagkamatay ng kanilang padre-de-pamilya. At lalo pang sumasakit kapag nakikita nilang ang mga sangkot na tao ay tila balewala lang ang pangyayari.
Ngayong nakatakas si Mancao sa NBI, lalo pang nadagdagan ang sakit na kanilang narara-mdaman. Tila lumalabo na ang kanilang pag-asa na matikman pa ang inaasam na hustisya. Gusto na nilang maniwala na bulok ang justice system sa bansa. Maraming kaso na hindi malutas sa bansang ito at iyon ang nagtutulak para mawalan sila ng tiwala.
- Latest