EDITORYAL - Red tape survey: ‘Good’ daw ang Immigration
KABILANG ang Bureau of Immigration (BI) sa mga corrupt na tanggapan ng pamahalaan. Noon pa man, batbat na ng katiwalian ang tanggapang ito. Dito, hindi gagalaw ang anumang papeles o dokumento kung walang “padulas†na pera. Walang ipinagkaiba ang BI sa DPWH, BIR, at Customs na pinamamahayan ng mga “buwaya†na walang kabusugan.
Pero nang magsagawa ang Civil Service Commission (CSC) ng red tape survey noong nakaraang buwan, nakapagtatakang pumasa ang BI. Ayon sa CSC, nakakuha ang BI ng 87.54 percent na may descriptive rating na “Goodâ€. Ang pagkakapasa ng BI ay siyempre pang pinagmalaki ng mismong commissioner ng tanggapan. Malaking karangalan na makapasa sa red tape survey. Ang survey ng CSC sa BI ay naka-focused sa frontline services delivery, service quality, physical working conditions, at overall client satisfaction. Ang survey ay ginawa sa BI main office sa Maynila.
Habang nilalasap ng mga taga-BI ang tamis ng pagkakapasa sa red tape survey, tila naglahong paÂrang bula ang balita ukol sa Korean fugitive na si Park Sung-jung. Tumakas si Park noong Marso 19, 2013 habang nasa custody ng BI. Mismong si Justice Secretary Leila de Lima ay nagsabi na malaki ang pananagutan ng mga taga-BI sa pagkakatakas ng Koreano. Ayon kay De Lima, nakapagtataka kung bakit naisyuhan ng working visa si Park noong Agosto 2012 gayong nasa process na ito ng deportation sa kanilang bansa. Si Park ay wanted sa Seoul dahil sa $25-million investment scam.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may nakatakas na Korean habang nasa custody ng Immigration. Noong 2011, nakatakas din si Kim Tae-dong. Wanted si Kim sa Seoul dahil sa panloloko.
Nasaan na ang Korean fugitive na si Park? Nasaan na rin ang dalawang BI agents na sangkot umano sa pagkakatakas ni Park?
Malaking palaisipan kung bakit nakapasa sa red tape survey ng CSC ang BI. Hindi kaya nagkamali lang ang CSC?
- Latest















