EDITORYAL - Kailan mako-correct ang Bureau of Corrections?
WALA pa ring pagbabago sa Bureau of Corrections (BuCor). Kahit may bago nang hepe sa katauhan ni dating retired police general Franklin Bucayu, marami pa ring hindi magandang nangyayari sa tanggapan. Pinakamatinding pangyayari ay ang pagkamatay ng dalawang bilanggo sa maximum security compound ng National Bilibid Prisons (NBP) noong Huwebes. Nagkaroon ng riot ang mga bilanggo. Naglaban ang mga gang. Nagsaksakan. Dalawa ang bumulagta.
Ang tanong: Paano nagkaroon ng patalim ang mga nasa maximum security? Paano nakalusot sa mga guard ng NBP ang patalim? Natutulog?
Ayon kay Bucayu ang nangyaring pagkamatay ng dalawang bilanggo ay isolated case at hindi dapat mangamba ang publiko. Tila walang epekto kay Bucayu ang pangyayari at balewala lang. Hindi raw dapat mangamba. Inaasahan naming sasabihin ni Bucayu na magkakaroon nang paghihigpit dahil sa pangyayari o kaya nama’y mananagot ang mga guard ng Bilibid na nalusutan ng patalim.
Itinalaga ni President Aquino si Bucayu noong Marso kapalit nang nagbitiw na si Gaudencio PangiÂlinan. Nagbitiw sa BuCor si Pangilinan dahil sa maraming kontrobersiya. Pero ngayong si Bucayu na ang hepe, tila walang pagbabago.
Hindi lang patalim ang nailulusot sa maximum security compound kundi pati granada. Isang granada ang sumabog sa compound ilang buwan na ang nakararaan at anim na inmates ang nasugatan. Noong nakaraang Abril 18, isang inmate ang binaril at napatay ng mga guard makaraang manaksak. Saan nanggaling ang patalim? Paano naipasok?
Mai-correct pa kaya ang mga kapalpakan sa Bureau of Corrections? Sana, may magawa pa si Bucayu. Sana hindi nagkamali si P-Noy sa pagtatalaga sa kanya.
- Latest