Palakpakan ang NSCB sa pagsasabi ng totoo
DAPAT papurihan ang National Statistical Coordination Board (NSCB) sa pagsasabi ng katotohanan na marami pa ring naghihirap na Pilipino at walang pagbabago sa kanilang kalagayan. Base sa pag-aaral ng NSCB, noong 2006, 2009 at 2012 ay walang pagbabago. Umano’y 28 sa 100 Pinoy ang lubog sa kahirapan.
Mabuti at naglakas ng loob ang NSCB na aminin ang resulta ng kanilang pagsasaliksik kahit maaring mapasama ang imahe ng mga opisyal sa gobyerno.
Ang pintas ko sa NSCB, bakit sinasabi ng mga ito na mahigit sa P7,000 ay makakapamuhay na ng disente ang isang pamilya ng may limang miyembro rito sa Metro Manila. Parang hindi nila alam ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin gayundin ang taas ng antas ng pamumuhay dito sa Metro Manila. Kahit pa mahigit P10,000 ang kinikita ay mahirap buhayin ang limang miyembro ng pamilya.
Walang kaduda-duda na marami pa rin ang nakakaranas ng kahirapan. Sa katunayan, maraming nagaganap na krimen na senyales ng kahirapan. Maraming nagsu-suicide dahil hindi na makayanan ang hirap ng buhay. Kahit pa sinasabing patuloy na sumisigla ang stock market at pinupuri ng ilang credit rating agency, hindi ito maramdaman ng taumbayan.
Sabi ni dating Budget and Management secretary Ben DiokÂno, hindi pa raw talaga nararamdaman ng mga mahihirap ang sinasabing gumagandang kalagayan ng ekonomiya ng bansa.
Panahon na para kalampagin ni P-Noy ang mga pinuno ng ahensiya. Gumawa sila ng paraan upang mabilis na iparamdam sa taumbayan ang kaginhawahan ng pamumuhay.
Papaano ba ito maipadadama ng gobyerno samantalang patuloy na dumarami ang mga walang trabaho gayundin ang mataas na presyo ng mga bilihin. Sa mga probinsiya, matindi rin ang kahirapan kaya maraming Pilipino ang nagbabakasakali rito sa Metro Manila manirahan at maghanap ng trabaho. Kaya ang mga nasa squatters area, kahit ma-demolish ay nagpupumilit na manatili rito at ayaw nang bumalik sa kanilang probinsiya dahil sa kahirapan. Maraming Pinoy ang nagnanais magtrabaho sa ibang bansa para kumita nang malaki upang may maibuhay sa kanilang pamilya.
Lalo pang titindi ang kahirapan dahil sa pagbabago ng pagtrato sa mga OFW. Tulad sa Saudi Arabia na maraming mapapauwing manggagawa dahil sa pagbabago ng patakaran sa foreign workers.
- Latest