SC, dapat linawin ang mga desisyon
PANAHON na upang baguhin ng Supreme Court (SC) ang kasalukuyang sistema ng paglalabas ng mga desisyon sa kaso. Nagkakaroon kasi ng kalituhan sa mga sangkot sa kaso at hindi malaman kung dapat na bang ipatupad ito o hindi.
Isang halimbawa ay ang desisyon na pagpapatalsik kay Imus Mayor Emmanuel na naging dahilan upang makabalik sa puwesto si Homer Saquilayan.
Naninindigan naman si Maliksi na hindi siya bababa sa puwesto dahil may karapatan siya na maghain ng motion for reconsideration (MR). Ayon kay Maliksi, kung maibasurang muli ang kanyang motion for reconsideration at pinal na ang kaso, saka lamang siya bababa. Iginiit naman ni Saquilayan na habang may hain na MR si Maliksi, dapat itong bumaba sa puwesto.
Dapat sa susunod na maglabas ng desisyon ang SC, linawin agad kung dapat bang bumaba muna ang mayor o hintayin ang desisyon sa inihaing MR. Kung hindi ito mababago ng SC ay baka magkaroon ng madugong insidente. May tensiyon sa ganitong kaso. Baka magpang-abot ang supporters ng magkabilang panig. Kung magiging klaro ang desisyon ng SC, hindi na magkakaroon ng mga interpretasyon sa desisyon. Wala na ring dahilan para magkatensiyon at magkagulo.
Marami ring nadismaya sa inilabas na desisyon ng SC na nagpapawalambisa sa pagiging kongresista ni Lucy Torres Gomez. Hindi raw valid ang paghalili nito sa kandidatura ng kanyang asawang si Richard Gomez. Ang masaklap, ilang buwan na lang at mag-eeleksiyon na at hindi na rin mapapakinabangan ang pagkapanalo sa kaso ng kalaban ni Lucy. Sa halip, parang pumabor pa kay Lucy ang desisyon ng SC. Kung magiging pinal ang desisyon, lilitaw na balewala ang tatlong taong termino at maaari pa itong humirit ng siyam na taon sa pagkandidato.
Sana sa mga ganitong kaso ay maging mabilis ang pag-aksiyon ng SC para mapakinabangan ng mga mananalo ang nalalabi pang taon ng kanilang termino.
- Latest