EDITORYAL - Handang pumatay at mamatay sa jueteng
NAPAKASAMA ng epekto ng jueteng sa tao. Nagiging dahilan nang pagbagsak at pagkasira ng buhay lalo na kung sagad na sagad ang pagkahumaling dito. Maski ang pinaka-mataas na posisyon sa pamahalaan ay kayang sirain ng jueteng. Isang halimbawa si dating President Joseph Estrada na napatalsik sa Malacañang dahil sa isyu ng jueteng. Hindi niya natapos ang termino dahil sa jueteng.
Ngayon ay mas matindi ang nangyayari. Kapag naging magkalaban o nag-agawan ang jueteng lord sa teritoryo, dito na babaha ang dugo. Lahat ay gagawin para maging hari o reyna ng jueteng. Pera ang pakikilusin para mawala sa landas ang mga kaagaw sa jueteng.
Ganyan ang nangyari kaya napatay ang 13 tao, kabilang ang tatlong pulis, sa Atimonan, Quezon noong Enero 6, 2013. Batay sa report ng National Bureau of Investigation (NBI) walang nangyaring shootout sa Atimonan bagkus iyon ay rubout. Walang nakapagpaputok sa mga biktima. At ang masaklap, pinagpapalitan pa ang mga baril na isinuko para huwag mabuking na nagpaputok. Ayon pa sa NBI, maraming ebidensiya ang sinira bago pa makarating ang awtoridad.
Agawan sa teritoryo ng jueteng ang dahilan kaya nagkaroon ng rubout. Ang lider ng mga pulis na humarang sa grupo ng jueteng lord na si Vic Siman ay si Supt. Hansel Marantan. Si Marantan umano ay pinuprotektahan ang jueteng lord na si Ka Tita na nag-ooperate sa Laguna at iba pang lalawigan sa Southern Luzon. Dahil sa pamamayagpag ng jueteng ni Siman, naapektuhan ang operation ni Ka Tita. Hanggang sa mangyari ang Atimonan killings. Sinampahan ng kasong pagpatay sina Marantan at kanyang superior na si Chief Supt. James Melad, 19 na pulis at 14 na sundalo ng Philippine Army.
Jueteng ang ugat ng lahat kaya nangyari ang madugong pagpatay sa Atimonan. Sana kumilos na ang PNP para mapahinto ang jueteng. Madali lang itong mapapahinto kung gugustuhin. Kailangan lang ay tapat at matino ang pinuno ng pulisya.
- Latest