‘Pulis daw’

WALANG humpay ang mga paalala sa publiko hinggil sa paulit-ulit na pambibiktima ng mga kawatang miyembro ng mga grupong ginawa nang hanapbuhay ang pagnanakaw.

Sino ba ang hindi nakakakilala sa Akyat-bahay gang na sumasalakay sa mga bahay na walang bantay.

Tulad din ng bansag sa kanila, sumasalisi ang Salisi gang sa mga pribadong establisimento upang makapagnakaw sa oras na malingat ang atensiyon ng mga taong nagbabantay dito.

Nariyan din ang panlilinlang ng Dugo-dugo gang na hindi na rin mabilang ang mga nabiktimang pamilya.

Iba’t ibang klaseng diskarte at pakulo na ang ginagawa ng mga kawatan sa kasalukuyan, maisagawa lamang ang kanilang masamang balakin sa kanilang kapwa.

Napabalita kamakailan lamang ang bagong modus ng pagnanakaw ng ilan nating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.

Kakaiba ang modus ng bagong grupo na gumagala ngayon sa Maynila, dahil estilo nila ang magpanggap na pulis upang puwersahang pasukin ang mga target nilang bahay. Kapag nakapili na ng bahay na pagnanakawan, sisindakin ng mga kolokoy ang may-ari nito na animo’y may hinahanap na kriminal. Ang siste, ang kunwaring paghahalughog ay paraan na pala ng mga kawatan upang pagnakawan ang kanilang mga biktima.

Kaya naman pinaalalahanan ng BITAG ang publiko na mag-ingat sa mga gumagalang kawatan na nagpapanggap bilang mga parak upang makapanloob sa inyong mga tahanan. Maging alerto at paladuda sa mga taong nagpapakilala bilang pulis, abogado, kamag-anak o kaibigan lalo na kung hindi mo sila kakilala.

Huwag magalinlangang humingi ng pagkakakilanlan tulad ng ID para kumpirmahin ang tunay nitong pakay. Mas mabuti na ang nag-iingat dahil sa panahon ngayon, maging ang mga masasamang loob, nagiging malikhain na sa kanilang mga estilo, makagawa lamang ng paraan upang maisagawa ang kanilang masasamang plano.

 

Show comments