Pagnanakaw sa Colombia napigilan dahil sa malakas na atungal ng donkey
DALAWANG lalaking armado ng baril ang dumating sa isang convenient store sa Juan de Acosta, Colombia isang gabi. Isang donkey umano ang dala ng mga lalaki.
Pagkatapos iwan ang donkey sa labas ng store, pumasok na ang dalawang lalaki. Kumuha ng shopping cart at mabilis na kumuha sa eskaparate nang maraming sardinas, tuna, oil, isang sakong bigas at rum. Pagkaraan niyon ay mabilis na lumabas na hindi namalayan ng store personnel.
Agad na naikarga ng mga lalaki ang ninakaw sa likod ng donkey. Pero nang palalakarin na ang donkey, ayaw nitong sumunod. Kahit na anong gawin ay ayaw itong lumakad. At nang puwersahin na ang donkey, biglang umatungal nang pagkalakas-lakas ang donkey. Ang malakas na atungal ng donkey ang nakapukaw ng pansin sa mga taong naglalakad at lumapit sila sa donkey para alamin ang pag-atungal nito.
Natakot ang dalawang magnanakaw at nagtatakbo. Naiwan ang kanilang donkey at mga ninakaw na nasa likod nito. Nang dumating ang mga pulis, nakita ang mga ninakaw.
Ayon sa mga pulis ang donkey ay ninakaw din pala ng gabing iyon para gamitin lamang sa pagnanakaw. Hinahanap na ng mga pulis ang dalawang lalaki para masampahan ng kaso.
- Latest
- Trending