Kaso ng stray bullet victims, may patunguhan sana
Sa kabuuan umaabot na sa P2.4 milyon ang reward na nakalaan sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay impormasyon para sa ikadarakip sa nakapatay kay Stephanie Nicole Ella.
Dalawang milyon dito ay buhat sa Malacañang na naglaÂlayong mapabilis ang paglutas sa kaso ni Nicole, ang 7-anyos na batang tinamaan at namatay sa ligaw na bala noong kasagsagan sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Caloocan City.
Bukod sa PNP, pumasok na rin sa imbestigasyon ang NBI, na noon nga lang nakalipas na linggo ay nagpahiwatig na tukoy na daw nila ang suspect at posible nang malutas ang kaso.
Mukhang dapat yata ay huwag munang ipagyabang ang isinasagawang imbestigasyon, kasi mas nasisilat kapag ganito.
Lima katao na ang dinakip sa kasong pagkamatay ni Nicole, una ang grupo ni Juan Agus, dating sundalo at tatlo nitong kainuman. Nagnegatibo ang grupo ni Agus dahil sa isinagawang ballistic test hindi tumugma sa nasamsam ditong baril sa slug na nakuha sa ulo ni Nicole .
Nakapagpiyansa ang grupo nito na tanging ang sinasampang kaso ay alarm and scandal.
Dinakip din si Grene Da, na kapitbahay ng pamilya Ella na di naglaon ay hindi rin nasampahan ng kasong may kinalaman kay Nicole.
Ngayon may sinasabi na naman ng NBI na may minamanmanan na naman silang isa pang suspect. Ayon sa kanila mukhang tumbok na nila at positibong nagpaputok ng baril sa distansya na sinasabing bala na tumama kay Nicole.
Sana nga, pero mukhang mahirap talagang malutas ang ganitong uri ng kaso lalu pa nga at wala sa standard na pagkukumparahan ng bala na nakuha sa ulo ni Nicole sa rekord ng integrated ballistic identification system ng PNP Crime lab.
Kung registered lang sana ang baril na ginamit madaling matutunton kung sino ang may-ari.
Makadakip man sila ng suspect, marerekober pa kaya ang baril para i-match sa ebidensiyang bala na nakuha kay Nicole.
Hindi naman uusad ang kaso kung basta lang testigo na magtuturo na nagpaputok ng baril ang isang tao at papapanagutin sa pagkamatay ni Nicole.
Dapat na talagang makakakuha ng ebidensya na tutugma sa balang nakuha kay Nicole at ito ang talagang napakahirap na mangyari.
Pero gayunman, sana nga ay tuluyang malutas ang kaso ni Nicole at hindi lamang si Nicole kundi maging ang lahat ng mga naging biktima ng ligaw na bala.
- Latest