‘Batang pagong’
TINUTUKSO si Didier Montalvo, 6-anyos, taga-Colombia, ng kanyang mga kaklase at kalaro. Ang tawag sa kanya ay “pagong” (turtle). Dahil sa panunukso, tumigil na sa pagpasok si Didier. Hindi na niya makayanan ang grabeng panunukso. Awang-awa naman kay Didier ang kanyang ina na si Luz. Hindi niya alam ang gagawin sapagkat wala naman silang pera para ipaopera ang anak.
Ayon sa mga doctor, si Didier ay mayroong Congenital Melanocytic Nevus. Isa itong nunal na lumaki nang lumaki hanggang sa matakpan ang buong likod ng bata.
May mga nagsabi, na isinumpa raw ng demonyo si Didier kaya nagkaroon ng bukol sa likod na animo’y sa pagong. Ipinagbuntis daw si Didier habang may eclipse.
Hanggang isang British doctor ang tumulong kay Didier. Nalaman ni Dr. Neil Bulstrode ang problema ni Didier at agad itong nagtungo sa Colombia, kasama ang kanyang team at inoperahan ang bata.
Tagumpay ang operasyon. Tuwang-tuwa ang ina ni Didier. Hindi niya akalain na maaalis ang tila sa “pagong” na likod ng anak.
Tinanggal ni Dr. Bulstrode ang nunal ng bata sa pamamagitan ng series ng skin grafts. (www.oddee.com)
- Latest