‘Santa Claus’ nagnakaw sa banko
TAHIMIK na tahimik sa loob ng SunTrust bank sa Nashville, Tennessee, noong Biyernes ng umaga dakong alas-diyes. Abala ang mga teller sa pag-aasikaso sa mga customer.
Nang biglang pumasok ang isang lalaki na naka-damit Santa Claus, 6 ft. ang taas, naka-sunglass, nakasapatos at may bitbit na pulang sako. Talagang kamukhang-kamukha siya ni Santa.
Pero nagulat ang mga teller at depositors nang bunutin ni “Santa” ang kanyang caliber 45 at sinabing ilagay lahat ang pera sa pulang sako. Kailangan niya ang malaking pera para mabayaran ang kanyang mga pinagkakautangan.
Ang akala ng ibang teller ay binibiro lamang sila at sinusorpresa sila ni “Santa” pero hindi pala, totoo pala at kinabahan sila sapagkat totoong baril ang hawak ni Santa.
Sabi ng witness na si Richlyn Jones: “Nagtungo si Santa sa isang teller na nasa unahan at inutusan ito na ilagay ang pera sa red bag. Sabi pa ni Santa, walang kikilos. Marahan ang kanyang boses at himig nakikiusap.
Makaraang mailagay ang pera ay mabilis na tumakas si Santa sakay ng kanyang grey na sasakyan. Hindi pa malaman kung magkano ang nanakaw ni Santa.
Wala namang nasaktan sa pagnanakaw. Ayon sa FBI patuloy nilang iniimbestigahan ang pagnanakaw ni Santa.
- Latest