Truck ban, meron pa ba?
Ramdam na ramdam talaga ng maraming motorista ang bigat ng trapik lalu na sa Metro Manila.
Bukod sa talagang hindi masolusyunang trapik, dumagdag pa ang pagpasok ng buwan ng Disyembre na dito lalu pang titindi ang mararanasang mga pagsisikip sa daan.
Mahabang pasensya ang kailangan lalu na sa driver para maiwasan ang sigalot at aksidente sa lansangan dahil sa nakakabagot at nakakainip na trapik na dahil dito marami ang umiinit ang ulo.
Mukhang hindi talaga magamay ng MMDA ang pagsasaayos ng trapik sa mga daan, gayundin ng mga local traffic enforcers sa ibat-ibang lungsod kaya talagang ramdam ang nagkakapag-init ng ulo na trapik.
Isa pa nga sa matagal nang idinadaing ng maraming nakakapuna na motorista ay ang naglalakihang mga truck at container van na wala na yatang pinipiling oras.
Hindi kaya maaari na kahit ngayon lamang buwan ng Disyembre ay habaan muna ang pagpapatupad sa oras ng truck ban.
Kung maaari ay sa gabi na lang talaga pagbiyahihin ang mga ito para hindi makadagdag sa sikip ng mga lansangan.
Ang siste pa naman dito, kapag humarang na ang mga ito sa daan, sunud-sunod at hindi na napapatid kaya hindi makatawid ang ibang sasakyan at doon na nagkakaroon ng mahaba at buhol-buhol na trapik.
Kahit naman ang ipinatutupad na oras sa truck ban sa kasalukuyan eh mukhang hindi rin nasusunod ng mga ito, at kahit anong oras na lamang gustuhin ay tatakbo sa mga lansangan.
Marami kasi rito ay inaalagaan o ineeskortan ng ilang pulis na nakabuntot sa mga dambuhalang truck. Hindi naman talaga nasasabat ang mga ito, dahil kung baga nakatimbre sa mga dapat eh huhuli.
Marapat lamang talaga na mapag-aralan ang angkop na oras sa pagpapatupad ng truck ban. Mukhang hindi na yata ito napapansin o sadya lang mayroong timbrihan.
- Latest