Editoryal - Buwagin ang private armies
MARAMI ang namamatay sa panahon ng election. Karamihan sa mga ito ay dahil sa paglalaban ng mga magkakatunggaling pulitiko na may private army. Dahil sa kanilang pagraratratan, maraming bumubulagta. Bawat isa ay hindi nagpapatalo. Matira ang matibay. Ang nakakatakot, may mga sibilyan na nadadamay.
Anim na buwan na lamang at election na. Ngayon pa lamang ay may nangyayari nang karahasan. Mayroong kalaban sa pulitika na itinutumba ng riding-in-tandem. Mayroong kandidato na pinagbantaang papatayin. Lahat ay maaaring mangyari lalo’t armado ang magkakalaban sa pulitika. Malakas ang loob ng mga kandidato sapagkat mayroon silang armas.
Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na 68 sa 170 private armies ang aktibo na sa kasalukuyan. Hindi naman tinukoy ng PNP kung ang private armies ay sa mga pulitiko. Pero kahit na hindi tukuyin ng PNP kung sa mga pulitiko ang private armies, sino pa ba ang magbubuo ng sandatahang grupo kundi ang mga pulitiko. Ang mga pulitiko lang naman ay may kakayahang bumili ng armas at mag-empleo ng mga kalalakihan para gawing bodyguard.
Ayon sa PNP, nangunguna ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa maraming private armies. Sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi ay may 25 private armies. Tinatayang nasa 77 private armies ang kabuuang nasa ARMM. Sumunod ang Region 1 na may siyam na private armies; Ang Region 8 ay may walo; Region 2, anim; Region 6 at 4-A, lima; Region 5 at 7, tatlo; Region 3, dalawa; Region 13 at Cordillera Administrative Region, isa.
Nalalaman na pala ng PNP ang mga aktibong private armies kaya madali na nilang malalansag ang mga ito. Kumpiskahin ang mga baril ng mga grupo para masiguro na hindi magiging magulo ang 2013 elections. Huwag nang hayaang umabot sa madugo ang sitwasyon lalo na sa Maguindanao na magulo ang election. Sa nabanggit na lugar nagbuwis ng buhay ang 57 katao, kabilang ang 30 mamamahayag makaraang pagbabarilin at ilibing sa hukay noong Nob. 23, 2009. Hanggang ngayon, hindi pa nakakamit ang hustisya sa malagim na kamatayan.
- Latest