Lampong (106)
NANG lumapit si Puri, nagbiro si Dick.
‘‘Sexy na naman si Jinky. Nakita kong dumaan dito.’’
‘‘Natatakot nga ako.’’
‘‘Bakit?’’
‘‘Baka magpabuntis na naman ang gaga !’’
Nagtawa si Dick.
‘‘Ayaw mo nun, dalawa na ang apo mo.’’
Nandilat ang mga mata ni Jinky.
‘‘Kapag ginawa niya iyon, tapos na ang pagtulong ko sa kanya. Pababayaan ko na siya talaga. Kahit pa umiyak siya at lumuhod sa harapan ko, hindi ko na siya tutulungan.’’
‘‘Pinagsasabihan mo ba o pinaaalalahanan kaya?’’
‘‘Hindi ko kasi ugali ang magsermon, Dick.’’
‘‘Hindi mo naman sisermunan, paalalahanan mo lang.’’
‘‘Kahit paalala hindi ko magagawa. Para sa akin kasi, kung ang isang tao ay may sapat na isip na, hindi na dapat paalalahanan. Siya na lang dapat ang makatuklas sa sarili niya kung tama ba ang ginagawa niya.’’
‘‘Hindi lahat ng tao ay katulad mong matalino, Puri.’’
“Hindi naman katalinuhan yun, ano? Kahit sino basta nasa tamang edad na, maaabot na yun. Yung iba nga, menor de edad lang ay alam na ang masama at mabuti. E siya pa na mahigit nang 20-anyos.’’
Napailing-iling si Dick. Iba ang katwiran ni Puri. Doon yata sila nagkaibang dalawa. Kung siya ang tiyuhin ni Jinky, pangangaralan niya. Paliliguan niya ng pangaral. Walang matigas na bato sa mahusay pumukpok o bumagsak. Walang tiyaga si Puri. Akala yata lahat nang bagay ay makukuha sa isang bigwas lang.
“Bakit, ano ba ang nakikita mo kay Jinky ngayon?’’
“Minsan kasi nakita kong nakikipag-usap sa lalaking nasa tapat ng unit.’’
“Yung lalaking nakita ko rito at kahalikan niya?’’
“Oo.’’
Napailing-iling si Dick. Malandi nga yata si Jinky. Baka nga gusto na namang magpa-assemble.
ISANG gabi, sarap na sarap sa panonood ng TV si Dick nang biglang may kumatok sa pinto. Nang buksan niya, si Puri. Balisa ang itsura. Problemado.
‘‘Dito muna ako matutulog, Dick!’’
‘‘Bakit umiiyak na naman ba ang baby?’’
Hindi sumagot si Puri. Tuluy-tuloy na pumasok sa loob. (Itutuloy)
- Latest