Kathryn, James, at Maja, pasabog ang acting showdown!

Handog nina Kathryn Bernardo, James Reid, at Maja Salvador ang pasabog na acting showdown sa nakakagulat na mga rebelasyong dapat abangan sa huling tatlong linggo ng Kapamilya teleseryeng Someone, Someday.
Haharapin na ni Billy (Kathryn) ang pinakamatindi niyang laban para protektahan ang kanyang pamilya matapos ang sunud-sunod na problema at pagtataksil na idinulot sa kanya.
Masusubukan kasi ang relasyon ng mag-best friend na sina Billy at Jordan (James) dahil pagbibintangan si Billy na siyang responsable sa aksidenteng hit-and-run na ikinamatay ng nanay ni Jordan noong mga bata pa sila. Kasabay nito, magtatalo ang puso’t isipan ni Billy tungkol sa tunay niyang nararamdaman para kay Jordan, na kamakailan ay umamin na mahal siya nito.
Siksik din sa mga makapigil-hiningang engkwentro ang mga susunod na episode kung saan mag-aagaw buhay ang kapatid ni Billy na si Oliver (Migz Casimiro) dahil sa pag-hostage sa kanya ni Mariela (Rita Avila), ang nanay ng half-sister niyang si Bea (Maja). Handa naman si Bea na kunin ang tiwala ni Billy kahit duda pa rin ito sa totoong intensyon ni Bea matapos ang walang katapusang panloloko nito.
Mapapatawad na ba ni Billy si Bea? May tsansa pa kayang mauwi sa pag-ibig ang pagiging magkaibigan nina Billy at Jordan?
Huwag palampasin ang matitinding rebelasyon sa huling tatlong linggo ng Someone, Someday gabi-gabi, mula Lunes hanggang Biyernes, ng 8:45 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at TFC. Napapanood din ito ng 72 hours in advance sa Netflix at 48 hours in advance sa iWant.
- Latest




















