Bantag muling nakalusot sa bitag ng PNP!
Sa Undas ops sa Ifugao
LAMUT, Ifugao — Muling nakalusot sa kamay ng mga awtoridad si dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Q. Bantag matapos mabigong maaresto sa operasyon ng pulisya sa isang poultry farm sa Sitio Alupapan, Barangay Pugol, Lamut, Ifugao madaling-araw ng Linggo.
Rumesponde ang pinagsanib na puwersa ng Ifugao Police Provincial Office (PPO) at 1501st Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 15 sa ilalim ng “Oplan Raniag 01/2026” upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Bantag. Pinangasiwaan ang operasyon ni Ifugao Police Provincial director Col. Jeremias G. Oyawon.
Dakong alas-5:20 ng madaling-araw nang dumating ang mga operatiba sa Clifford Oliva Poultry Farm matapos umalis sa himpilan alas-5.
Sinimulan ang operasyon alas-5:30 ngunit nabigong makita ang wanted na si Bantag bago tuluyang mag-pull out ang grupo alas-6:20 ng umaga.
Ayon sa intelligence report, hinihinalang nagtatago si Bantag sa naturang poultry farm at nagpapanggap umanong trabahador. Gayunman, walang nakitang bakas ng dating BuCor chief sa lugar.
Pinaghahanap si Bantag kaugnay ng pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid at umano’y pagkakasangkot sa pagkamatay ni New Bilibid Prison inmate Jun Villamor.
Ilang ulit na rin nakaiwas so Bantag sa mga awtoridad sa gitna ng patuloy na manhunt laban sa kanya.
- Latest




















