2 tribo sa Kalinga nagkasundo sa tigil-putukan
TABUK CITY, Kalinga, Philippines — Nagkasundo na sa tigil-putukan ang nag-aaway na mga sub-tribong Butbut at Tulgao at nagpahayag ng kahandaang muling umupo sa hapag ng usapang pangkapayapaan upang tuldukan ang matagal na nilang alitan sa Tinglayan, Kalinga.
Iniulat ng mga opisyal ng militar ang positibong pag-unlad sa kamakailang pulong ng Provincial Peace and Order Council matapos ang magkahiwalay na pakikipagdayalogo sa dalawang grupo sa Barangay Butbut Proper at Barangay Tulgao East.
Kapwa nagpahayag ng kahandaang makipagnegosasyon para sa panibagong kasunduang pangkapayapaan ang dalawang panig, sa tulong ng mga tradisyunal na lider, lokal na opisyal at iba pang kinatawan ng komunidad.
Pinalakas naman ang puwersang panseguridad upang maiwasan ang muling pagsiklab ng bakbakan, habang idineklara ng mga awtoridad ang isang Zone of Peace sa loob ng isang kilometrong radius mula sa pinagtatalunang hangganan ng dalawang grupo.
- Latest

















