Scam hub sa Gapo ni-raid, 200 Vietnamese nasagip
MANILA, Philippines — Binuwag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang scam hub sa Subic, Olongapo (Gapo) City sa isinagawang operasyon noong Huwebes, Oktubre 22, 2026.
Nasagip ang nasa 200 Vietnamese nationals na pawang empleyado ang naaktuhan sa pasilidad kung saan nakumpiska ang mga computer, mobile phone at mga dokumentong ginamit sa pagpapatakbo organisado scam.
Isinagawa ang operasyon ng NBI-Pampanga District Office (PAMDO) sa bisa ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ng RTC Branch 73, Olongapo City. Sinundan ito ng isang buwang surveillance at intelligence work sa pasilidad.
“We are working overtime in our fight against scam hubs and transnational online fraud. We will not stop at seizing computers and scripts. We will look into bank accounts, e-wallets, and the people who rent them out,” ani NBI Director Atty. Melvin A. Matibag.
Ang scam ay tumatakbo ng 24-oras na may shifting ng mga tauhan, may nakatalagang payments desk na nagpoproseso ng deposits at withdrawals, at naglilipat ng pondo sa pamamagitan ng network ng mga bank at e-wallet accounts. Makikita sa kanilang staff schedules na may mga team na nakatalaga sa mga target sa Pilipinas, United Arab Emirates, at Bangladesh.
Sinusuri pa ang mga dokumento ng mga Vietnamese upang matukoy kung sila ay illegal na nagtatrabaho o mga biktima ng human trafficking.
Kabilang sa reklamong isasampa sa mga suspek na nag-organisa, namahala, at nagpondo sa operasyon ang paglabag sa Republic Act 12010 (Anti-Financial Account Scamming Act), Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), Republic Act No. 9160 (Anti-Money Laundering Act of 2001), at Republic Act 9208.
- Latest






















