Rider paulit-ulit na nasagasaan, todas!

MANILA, Philippines — Dahilan sa pagtawid ng isang asong gala, naaksidente at paulit-ulit na nasagasaan ang isang rider makaraang sumemplang ang sinasakyan nitong motorsiklo sa national highway sa bayan ng Midsayap, North Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Joey Antipuesto Arapo, 36-anyos, dead-on-the-spot sa insidente.
Sa ulat ng North Cotabato Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente sa national highway sa bahagi ng Double Bridge, Poblacion, Midsayap ng lalawigang ito kamakailan.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang lulan ang biktima ng kaniyang motorsiklo nang biglang tumawid ang isang asong gala bunsod upang masagasaan ito ng motorsiklo.
Dahil dito ay nawalan ng kontrol ang rider at matumba ang motorsiklong minamaneho nito bunsod upang humagis ito sa kalsada na nagtamo nang matinding sugat sa katawan.Samantalang nakunan pa sa CCTV footage sa lugar ang pangyayari kung saan hindi napansin ng mga motorista na dumaraan sa lugar ang nakahandusay na biktima sa kalsada dahilan madilim sa lugar.
Bunsod nito ay nasagasaan at nakaladkad pa ng ibang nagdaraang behikulo ang biktima.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa kasong ito.
- Latest
















