Timba na puno ng armas, nahukay sa Isabela
Kasunod ng pagsabog na pumatay sa 3 bata, lola
ROXAS, Isabela, Philippines — Nahukay ng mga pulis ang hinihinalang taguan ng mga armas ng mga rebeldeng NPA sa Barangay Sinamar, Roxas, Isabela noong Oktubre 8, apat na araw matapos masawi sa pagsabog ang tatlong bata at isang 85-anyos na lola, habang apat pang menor-de-edad ang nasugatan.
Batay sa impormasyong ibinigay ng isang dating rebelde na si alyas “Bira,” narekober ng mga pulis sa Isabela ang mga granada, materyales na pampasabog, isang improvised anti-personnel mine, mga bala, isang shotgun, mga radyo, at iba pang kagamitan mula sa isang nakabaong asul na timba.
Nadiskubre ang nasabing taguan habang iniimbestigahan ang pagsabog noong Oktubre 4 sa Purok Raniag, Roxas.
Sa paunang pagsisiyasat, lumitaw na posibleng sumabog ang isang bagay na napulot ng mga bata mula sa kanal habang sila ay naglalaro.
Patuloy namang iniimbestigahan ng PNP Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit ang pinagmulan ng naturang bagay. Gayunman, hindi pa malinaw sa mga awtoridad kung may kaugnayan ang nadiskubreng taguan ng mga armas sa pagsabog na ikinasawi ng apat na katao.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga nakuhang kagamitan para sa dokumentasyon at kaukulang pagsusuri.
- Latest























