Lola pinugutan ng lalaking baliw!
LUPI, Camarines Sur, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 66-anyos na lola matapos na pagtatagain at pugulan ng ulo ng lalaking may sakit sa pag-iisip sa Zone-4, Brgy. San Ramon, Lupi, Camarines Sur noong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ang biktima na si Lola Ancia, residente ng naturang lugar.
Agad namang naaresto at nahaharap sa kasong murder ang 25-anyos na suspek na si alyas “Gusting”.
Sa kuwento ng saksi sa mga pulis, dakong alas-11:20 ng tanghali natanaw niya ang suspek na parang may pinagtataga sa tabi ng pathway at saka umalis.
Agad pinuntahan ng residente ang lugar at laking gulat nito nang makita ang biktima na nakahandusay, naliligo sa dugo, at wala nang ulo.
Nang puntahan ang bahay ng suspek sa ‘di kalayuan ay nakita ang ulo ng lola na nakapatong sa upuan.
Mabilis na nagsumbong sa mga pulis ang saksi na agad namang rumesponde at inabutan ang salarin na sumuko sa kanilang kapitan sa barangay. Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na may sakit sa pag-iisip ang salarin.
- Latest

















