Binatang gold panner niratrat ng karibal
AROROY, Masbate, Philippines — Bulagta sa kalsada ang isang binata matapos pagbabarilin ng kanyang karibal sa Barrio Site, Brgy. Luy-a, Aroroy, Masbate kamakalawa ng hapon. Napuruhan ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad nasawi ang biktima na kinilalang si Julius, 47-anyos, gold panner habang tinutugis na ng mga pulis ang tumakas na suspek na si alyas “Eppi”; kapwa residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima nang harangin ng armadong suspek.
Bago pa makaalis sa lugar ang biktima ay agad na siyang pinagbabaril ng suspek sanhi upang duguang bumulagta sa kalsada.
Ayon sa ilang saksi at sa ginawang imbestigasyon ng mga pulis, nabanggit na dati na umanong may alitan ang dalawa dahil sa pinag-aawayang “third party.”
Gayunman, patuloy umano sa ginagawang imbestigasyon ang mga pulis sa motibo sa krimen.
Narekober sa lugar ng insidente ang 5-basyo ng bala ng Kalibre 45 baril.
- Latest






















