2 pulis namaril ng sibilyan sa checkpoint, timbog!
MANILA, Philippines — Dalawang aktibong pulis ang inaresto at sinibak sa puwesto makaraang masangkot sa pamamaril ng isang sibilyan na kanilang nakaaway sa Indahag border control checkpoint sa Cagayan de Oro City (CDO) noong Lunes ng gabi.
Ayon kay CDO police director P/Col. Dexter Paje, nagresponde ang kaniyang mga tauhan matapos na ireport ng isang concerned citizen ang pamamaril sa isang lalaki pasado alas-9 ng gabi sa nasabing checkpoint.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, inabutan pa nila ang isang lalaking sugatan sa hita kaya agarang isinakay sa ambulansya at isinugod sa Maria Reyna Xavier Hospital para malapatan ng lunas.
Ang mga suspect na nagtatangkang tumakas lulan ng kulay abong Yamaha Sniper motorcycle ay agad namang hinabol ng mga operatiba ng CDO Police at nakorner sila bago pa makalayo sa naturang border control checkpoint.
Hindi na nakapalag ang dalawa at laking gulat ng mga humabol na operatiba nang madiskubreng mga kabaro o kasamahan nila sa serbisyo ang mga suspek.
Isinailalim sa kustodya ng nasabing himpilan ang dalawang pulis at kinumpiska ang kanilang service firearms para isailalim sa ballistic examination.
Positibo ring itinuro ng mga testigo ang dalawang parak na sangkot sa pamamaril sa biktima na nakaalitan nila sa border control checkpoint.
- Latest


















