Death toll sa MV June Aster, 77 na

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 77 ang death toll sa naganap na sunog sa pampasaherong barkong MV June Aster sa Coron, Palawan noong nakaraang linggo, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, ito’y matapos na bawian na rin ng buhay ang isa sa mga tripulante na unang naitalang isa sa mga survivor mula sa nasunog sa barko noong Setyembre 9.
Batay sa ulat, dakong alas-11:34 ng umaga ng Setyembre 15, 2026 nang ideklarang patay ng mga doktor ng Culion Sanitarium and General Hospital ang tripulanteng hindi pinangalanan dahil sa tinamong matinding sunog sa katawan.
“Siya po kasi yung nagtamo ng may pinakamalalang pagkapaso sa buong katawan niya, halos buong katawan niya. And unfortunately nga po ay declared dead po ng ospital kahapon ng tanghali,” pahayag ni Kim Ablaña, Spokesperson ng Coron Emergency Operations Center.
Dahil sa pag-akyat ng bilang ng mga nasawi, bumaba naman ang bilang ng mga survivors sa 43.
Sa kabuuang bilang ng mga nasawi, lima pa lamang ang nakikilala.
- Latest
















