Grocery store hinoldap ng 2 ‘kustomer’
CAVITE , Philippines — Hinoldap ng dalawang armadong kalalakihan ang isang kilalang grocery store at natangay ang halos tatlong araw na kinita nito, sa Barangay Pasong Langka, Silang, Cavite, kamakalawa.
Aabot sa mahigit P300,000 ang tinangay ng mga armadong suspek mula sa DALI grocery store na hinoldap nila at itinali pa dalawang staff bago sapilitang buksan ang cash vault ng establisimyento.
Base sa imbestigasyon ng Silang Municipal Police, alas-12:40 ng tanghali nang pumasok sa nasabing grocery ang dalawang hindi pa kilalang lalaki na nagpanggap na mga kustomer.
Segundo lamang at naglabas ng mga baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap. Iginapos ng mga suspek ang mga kamay ng dalawang empleyado at dinala sa loob ng opisina at sapilitang pinabuksan ang vault na pinaglalagyan ng pera.
Nagbanta rin ang isa sa mga magnanakaw na papatayin ang mga biktima kung hindi nila pipilitin na buksan ang cash vault.
Kinuha ng mga kawatan sa establisyimento ang P300,000 cash na kinita ng store ng tatlong araw na operasyon bago sila tumakas sakay ng puting Yamaha Aerox.
- Latest


















